Sunday, September 8, 2013

Sad Truth #2: Biyaheng Cambodia

Hindi ito isang travel blog dahil unang-una hindi naman ito travel blogsite.  Pangalawa, hindi po ako travel blogger (pangarap ko lang yun, pero hindi ko pa tinutupad), at pangatlo, hindi ko rin alam paano magsulat ng isang travel blog, pakiramdam ko kasi kailangan marami akong mapuntahang lugar para maituring ang sarili kong travel blogger, otherwise, puro "ironic" things na naman ang mga pinaggagagawa ko.

       Gusto kong umpisahan ang kwento tungkol sa aking paglalakbay sa ibang bansa.  First time ko ito kaya pakiramdam ko mukha akong tanga kumpara sa mga kasama ko (siyempre hindi ko pinahalata).  Sa totoo lang kinakabahan ako, kasi naman yung isang kaibigan ko bukod sa tinakot na ako na baka raw kuwestiyunin ako sa Immigration at tanungin ng kung anu-anong bagay, baka raw mapagtripan pa ako dahil cute ako (baka ibig sabihin niya lang hindi ako kagalang-galang o yung tipong kayang mandarag ng immigration officer).  Anyways, despite the pananakot thing...and everything, hindi naman ako magpapapigil, but of course natuloy pa rin ako.  Sa isang banda, anu nga ba ang kakatakutan ko, eh alam ko naman na wala akong iligal na ginawa at maitim na balak gawin sa ibang bansa?  Isa pa, anu pa bang takot ang dapat kong maramdaman kung kasama ko naman ang pamilya ko? Oo, kasama ko ang mga kapatid ko sa biyaheng ito.

         Natutuwa akong isipin na natupad na ang isang nakalista sa "bucketlist" ko, yun ay ang magbiyahe sa ibang bansa, Cambodia to be exact. Ang tagal ko na kasi naririnig yung Angkor Wat at seryoso naiinggit ako sa mga nakapunta na kaya sinabi ko sa sarili ko na bago matapos ang taon na ito ay bibisitahin ko yun. Noong una, ayaw ko pa talagang sumama sa kanila kasi nga may mantra ako na hindi ako gagala sa ibang bansa nang hindi ko napupuntahan ang Luzon, Vizayas, at Mindanao.  Ang biyaheng ito para sa akin? Magastos, nakakapagod, bitin!  Ganunpaman, sa isang banda, hindi ko pinagsisisihan ang lahat. Unang una nakasama ko ang pamilya ko sa paglalakwatsa, ang saya nun! Pangalawa, may panibago na naman akong experience, at pangatlo, marami akong natutunan sa maikling biyaheng ito:

1.  Mainit sa Cambodia, parang sa Pilipinas. Mainit din ang pagtanggap nila sa amin lalung-lalo na ang aming tour guide, hotel personnels, guides ng iba't-ibang sites na pinuntahan namin, driver, maging mga tindera, at iba pang Cambodians na nakasalamuha namin.

2. Mahirap na bansa ang Cambodia. Hanggang ngayon naiiwan pa rin sila sa usapin ng teknolohiya.  Nakita ko ito sa pagbisita namin sa kanilang Silk Farm na kung saan manu-mano pa rin talaga ang produksyon sa paggawa ng seda o silk.  Tao at hindi mga makina ang gumagawa, nagkukulay, nagtatahi, at naghahabi ng tela. Kung mayaman lang akong businesswoman, babalakin kong mag-invest doon. (pangarap!)

3.  Mahirap man silang bansa, wala akong nakitang traces na "katamaran" sa kanilang mga mamamayan.  Kahit na maliit ang sweldo nila (yung nakausap namin na tindera halos 8 oras nagtatrabaho pero nasa halos P3000.00 lang ang sweldo).  May mga bata rin na nagtitinda na sa murang edad. At talagang pursigido silang makabenta.  In general, masasabi kong masisipag ang mga Cambodians siguro dala na rin ng kahirapan nila (ang ganda di ba, mahirap ka na nga, kaya tama lang na magsipag ka, eh sa Pilipinas? Mahirap na nga, puros asa pa sa ayuda ng gobyerno, ang lakas pa makapanisi ng gobyerno na para bang obligasyon ng gobyernong punan ang hapag-kainan nila ng pagkain sa araw-araw. Oooopps! teka nadadala ako ng aking emosyon) 

4.  Halos lahat sa kanila ay nakakapag-Ingles din kaya iba man ang accent sa kanila, marunong silang makipag-usap sa maraming turista.  Napag-alaman ko rin na halos 3 milyon ang bumibisita sa Angkor Wat (pa lamang) sa loob ng isang taon.  Parang katumbas na ng halos 3 milyon na turista sa Pilipinas -- sa buong Pilipinas.
Si Akong, ang aming napakabait, napaka accomodating, at mahusay na tour guide. Bravo! Pinahanga mo kami sa taglay mong kaalaman, pagmamahal at dedication sa trabaho, at sa pagiging natural na masayahing tao. Naging masaya ang paglalakbay ng grupo dahil sa iyo.

5. Boom na boom ang turismo sa kanila dahil trained at professionals ang mga guides.  Sa tingin ko centralized ang pamamahala sa mga tourguides. Naka uniform sila at trained magsalita ng iba't-ibang lingguwahe depende sa lahi ng turistang sasamahan nila.  Naisip ko tuloy, sino ba sa atin ang "professional tour guide" na de kalibre na at tunay na maraming alam sa history ng Pilipinas, ng Maynila? Parang si G. Carlos Celdran lang yata. Meron pa ba?

6.  Sagrado nilang ituring ang mga templong bibisitahin dahil hindi maaring magsuot ng tsinelas, sleeveless, at maiikling mga damit.  Requirement nila na ang "below the knee" na pang ibaba, at halos 3-fourths na manggas na t-shirt o blouse.  Ganun nila iginagalang ang at nirerespeto ang kanilang mga templo, ang kanilang kultura, ang kanilang relihiyon. (Buddism ang relihiyon ng karamihan sa kanila) Nakakatuwa, nakaka-amazed, nakakainggit.







7.  Nakakalungkot na scenario: Dahil ayon sa pagkakaalam ko, tinuruan lamang ng mga Pinoy ang mga Cambodian sa UPLB ng mga pamamaraan sa pagsasaka at pag-ani ng palay.  Ngayon, napaka-ironic dahil isa na sila sa major exporter ng bigas sa Asia at maging sa Pilipinas.

8.  Walang trapik, malinis ang bansa nila, disiplinado ang mga tao, at most of all, tapat ang mga tao. Nakita ko ito sa mga tindahan, palikuran, at ibang establisyimiyento na kung saan iniiwan lang ng mga customers ang bayad nila at naroon lang ang pera, walang kumukuha. Kung ikukumpara sa Pilipinas, isa lang ang alam kong may "honesty store" yun ay yung sa Batanes.  Naalala ko pa na yung binilihan kong bata ng mga ref magnets, binayaran ko siya ng 10U$, pero 2U$ lang naman ang halaga ng binili ko, ibinigay niya ang mga binili ko, at saka tumakbo papalayo para humanap ng isusukli sa akin. (Naiwan na sa akin yung mga ref magnets at pati na rin yung pera).  

Nakilala ko si Niyang, ang batang nagtitinda ng ref magnets, postcards, at iba pang souvenir items sa loob ng Angkor Wat park. Wala naman talaga akong balak bumili dahil hindi ako mahilig sa mga small items at pasalubong pero nahikayat niya ako.  Sobrang uso sa bansang ito ang "tawaran". Naawa ako sa kanya nung sinabi niya sa akin na kailangan may benta siya para may baon siya sa eskwelahan. Pumapasok siya sa umaga at nagtitinda naman sa hapon.

Bumalik siya sa akin bitbit bitbit ang panukli sa buong 10U$ ko,
9.  Hindi ko alam pero hindi ako nakaramdam ng banta sa seguridad ko. SIguro kasi hindi naman ako mukang mayamang turista.... pero yun nga, wala akong takot na naglakad sa night market na bitbit ang pera at camera ko. Wala akong naramdaman na anytime eh may manghahablot ng mahahalaga kong gamit. 


Natutuwa ako sa mga experience na ito, pero nalulungkot ako para sa bansa ko. Kung sana pwede lang natin makuha kahit kaunti ng ugali meron sila. Kung sana may disiplina lamang tayong mga Pinoy, di hamak na mas maunlad at mas mayaman ang bansa natin sa kanila. Mas marami tayong resources eh, pero kulang tayo sa disiplina. Isang nakakalungkot na katotohanan na naman.

Marami pa sana akong kwentong-Cambodia, pero itutuloy ko na lang sa sunod na entry.  

Saturday, September 7, 2013

Kumunoy


Hanggang kailan pa ba ako kakapit,
paano ba, dapat pa nga bang ipilit?
Kung nahuhulog na ako sa kumunoy,
na waring nag-aalab at nag-aapoy

Hahagisan mo ba ako ng lubid,
o lilisan ka para maging matuwid?
Sa biyaheng 'di ako ang nag-umpisa,
ako lang sana bakit sasama ka pa?

Hanggang saan ba ako maglalakbay,
o hanggang kailan pa ba maghihintay?
Kung ang kumunoy na putik na pag-big,
kusa nang sa aki'y palapit ng palapit.

Hahagisan mo pa ba ako ng tali,
kung saan man gawa 'di ko na mawari.
Ang tanging natatanto ko lang ngayon,
Hindi na makabibitaw, saan ba paroroon?

Hindi magpigilan ang kumukulong kumunoy,
pulang dugong kumukulo sa bawat panaghoy.
Hahagisan mo pa ba ako ng makakapitan,
gayong kusa akong tatalon at magpapaalam.

Friday, August 30, 2013

Sad Truth: Sa Korapsyon, Pilipinas talagang magilas!

"Dura Lex, Sed Lex"
(A Latin maxim which means that the law may be harsh, but it is still the law)

"In all criminal prosecutions, the accused shall be presumed innocent until the contrary is proved" - (Art. III, Sec 14, par. (2), 1987 Philippine Constitution)

 (Larawan mula sa Google)

     Sadyang mapanghusga ang mga Pinoy, reyalidad na iyan. Akala mo wala silang pagkakamali, dungis, o mumunting mga bahong itinatago. Teka,hindi ako maka-Napoles, at lalong hindi maka-PNoy, buwiset ako sa korapsyon, sa mga sinungaling, sa mga mapanlilang, sa mga mapanlamang ng kapwa, pero sa palagay ko hindi tamang i-wish na parusahan ng hindi makatao si Janet Napoles Lim. Isipin niyo na lang, kapag namatay siya ngayon, mas lalong lalala ang malala nang problema, yun ay hindi niya na maituturo ang mga masterminds (I say it with an "s" dahil siguradong hindi lamang isang tao ang may utak ng lahat ng ito)  ng  pork barrel scam na ito na nagpapagalit at nagpapangitngit sa ating mga Pilipino sa ngayon.

 (Taray ni Madam Napoles oh, shades kung shades? Anu kayang brand nito?  -   Larawan mula sa Google)

        Kaya, hinay-hinay lang mga netizens, ang puso ninyo!!! Uulitin ko, the law is harsh but it is still the law. Kahit na kitang-kita na ang mga ebidensya ng panlilinlang sa mga Pilipino dahil sa isyung ito, sa tingin ng batas, inosente pa rin siya hangga't walang "conviction" na nangyayari. Good luck good luck sa gobyerno natin! Aasahan namin ang galing niyo sa part na ito.

    Hindi kaya dapat munang amyendahan ang batas? Pero sinung gagawa nun? 

  (Batasang Pambansa - pugad ng mga buwaya, este...Kongresista. --  Larawan mula sa Google)

Sinu pa? eh di mga lawmakers o mambubutas, I mean, Mambabatas!!!! Ang ating mga minamahal na kongresista at senador? Hmmmm.... kukuha kaya sila ng bato na ipupukpok sa kanilang ulo? Papayag kaya silang igisa sila sa sarili nilang mantika?

      Tandaan, ikaw ay nasa Pilipinas, kung saan, mahal ang gas, ninanakaw ang bigas, kurakot ay wagas ng politikong magigilas!

      Abangan na lang ang susunod na kabanata...


Sunday, August 25, 2013

Makialam, 'wag lang basta sawsawera!

Hindi ako magkukunwaring aware ako sa lahat ng isyung bumabalot sa ating napakagandang lipunan sa ngayon.  Ang sa akin lang, talaga naman talaga naman napakarami pa rin talagang sawsawero at sawsawera.  I’m sure alam niyo naman yung ibig kong sabihin, yun bang mga tao na ride na lang ng ride sa mga isyu, o di kaya naman eh ipinangangalandakan pa talaga ang stand niya sa mga isyung politikal na ito, madalas gamit ang social media.  Ilang facebook friends ko na nga ba ang nakitaan ko ng status tungkol sa Napoles issue, tungkol sa PDAF, tungkol sa pork barrel na yan? Hmmm... marami-rami na rin pero alam ko rin na sa dinami-dami nila, mangilan-ngilan lang ang tunay na may alam ng katotohanan.

Hep hep! Hinay-hinay lang naman kasi. Ang  mga puso ninyo. Kailangan niyo rin pangalagaan yan at baka ma highblood kayo sa galit, aba eh daig niyo pa ang kumain ng sandamakmak na pork na yan ‘pag nagkataon.  Payo lang, pigilan niyo muna ang mga sarili niyo na magmura, mainis, at magpuputak sa social media, manong alamin muna ang mga bagay bagay at detalye ng mga pinagsasabi mo, para hindi ka magmukang tanga na putak lang ng putak sa isyung ni hindi mo naman alam ang malalim na pinag-ugatan.


May mga naninisi pa kay PNoy, kasi siya raw ang may kasalanan ng lahat ng ito. Ows talaga? Siya lang talaga? Ang galing mo ring manisi eh noh? Eh ikaw, anung kasalanan mo? Wala? Kapatid, isip isip din? Sino ba ang mga ibinoto mo noong nakaraang eleksyon, at nung mga nakaraan at nakaraan pang eleksyon?  Hindi ba’t matagal ng sakit ng lipunan natin yang korapsyon na yan?  Hindi ka pa ba nasanay? Oh eh anung ginawa mo?  SIguro ngayon lang talaga nagsisipaglabasan ang mga yan kasi nga mas matapang na ang mga whistle blowers, mas may powers na silang umihip sa silbato nila para ilabas ang mga anumalya sa pamahalaan natin.  Pero hindi lang naman sila ang bumubuo sa lipunan, lahat tayo kasali dito, kumbaga eh damay damay na. Kaya imbes na pumutak ka lang ng pumutak at magmura sa lintek na nawawalang parte ng sweldo natin (itago natin sa pangalang “tax” o buwis) eh, gawa gawa rin.

Makialam ka, kahit sa munti mong paraan. 

Thursday, August 22, 2013

Wanted: Boarder!


Dear Mark,

       Alam ko naman na aalis ka rin, matatapos din ang lahat kaya mabuti pang huwag na lang nating umpisahan 'to. Pagod na pagod na akong sa pakiramdam na laging iniiwan at pagod na akong masaktan. Hindi ko alam pero bakit kahit anong pagod ko napapawi kapag nararamdaman ko na sa isang banda ng buhay mo, may espasyo din para sa akin. Hindi ko maiwasang isipin na pwede rin akong maging masaya, pwede rin kitang makasama, pwede din kitang mahalin.

    Kahit na alam ko na magulo pa sa pinakamagulo, mas komplikado pa sa pinakakomplikado itong pinapasok ko, hindi ko pa rin mapigilan. Eh ang hirap naman kasing kalabanin ang sarili, ang hirap pagsabihan ng puso ko. Pero, wala na eh, laglag na ako.

          Sa totoo lang, gusto kong magalit sa iyo kasi hinayaan mo akong mahulog tapos hindi ka naman sigurado na kaya mo akong saluhin. Alam ko sinabi mo na 'yun, sinabi mo na makailang ulit na gagawin mo ito, pero iba pa rin ang nakikita at nararamdaman ko. Alam mo, gusto kong sisihin ang sarili ko kung bakit ako naniwala na hindi kasalanan ang maging masaya. Baka nga kasi hindi ako nababagay maging masaya, baka hanggang dito lang talaga ako. Baka ito ang kaparalaran ko, wala eh, kahit anung gawin ko, hanggang ngayon nasasaktan pa rin ako. Nasasaktan dahil kahit gaano ko paikut-ikutin ang istorya natin, talagang huli na ang lahat... maaring pati ang pagtatagpo natin huli na rin, dahil nangyari ito sa maling panahon. Mali na hindi na maitatama pa, o tama na mananatiling sa paniniwala na lamang.

        Wala naman akong gustong mangyari na kahit ano, ang sakit lang kasi isipin na kung kailan ko naramdamang handa na ako at ang puso ko, saka ka naman dumating. Dumating ka pero hindi naman permanenteng mananahan sa lugar na inilaan ko para sa iyo.

         Siguro, paalam na lang. Masakit talaga eh pero siguro, "boarder" ka lang sa puso ko, at paso na ang kontrata natin. Tapos na. 

          Ingat ka sa bago mong bahay, sa bago mong buhay. 

                                                                                                                                                                                                                             Nagmamahal,
                                                                                                                                                                                                                             Julia

Friday, August 9, 2013

Bakit Ngayon Ka Lang?

"Bakit ngayon ka lang dumating sa buhay ko?"
'Yan ang pamosong linya sa awit na likha ni Ogie Alcasid. At oo madalas ko rin yang piyesa sa videoke... ahem! (frustrated singer din, pagbigyan na). Aaminin ko na, oo ang lakas maka- emote at makalungkot ng kantang 'yan. Pero ngayon ko lang talaga siya napag-isipan at naisapuso. Siguro kasi parang ngayon ko lang totoong nararamdaman na tumutugma na ito
sa nararanasan ko sa kasalukuyan.

Eh bakit nga ba ngayon ka lang? O baka naman bakit ba ngayon lang ako dumating? Eh kasi naman delayed yata ang flight, may humarang, may hadlang, may nangyari, at kung anu-ano pang dahilan ang meron.

Bakit kung kailan nauna na siyang magsara ng puso para sa isa pang tao, dun pa kami kailangang magtagpo? Hindi naman pwedeng "sana dalawa ang puso ko" kagaya nga ng awit ng Bodgie's Law of Gravity. Eh kasi nga isa lang ang puso, limitado lang ang espasyo, pang isahan lang. Eksklusibo!

Bakit ngayon lang? At bakit ko nararamdan ito? Hindi ko alam!
Paano kung siya ang tama para sa akin at ako naman ang tama para sa kanya? Paano kung tama pero mali pa rin? Kungsabagay, "timing is everything", 'ika nga nila. Anu pa bang saysay ng makita mo na kung ano at kung sino ang tama kung mali naman ang panahon?

Wala! walang saysay ang tama sa maling panahon at pagkakataon, kundi ang isipin na lang na sa isang banda, nagmahal ka, nakaramdam ka ng pakiramdam na tama....
...sapat na siguro yun.

posted from Bloggeroid

Monday, August 5, 2013

'Wag Lang Siya! (Komplikado Part Two)



Ang dali sabihin na wag na lang siya, ay nako mahirap yan, hindi siya tama, hindi kayo bagay, mas may tao pang magmamahal sa'yo, may makikita at mahahanap ka pang iba, 'wag lang siya!

'Wag lang siya kasi komplikado masyado ang buhay niya.  Marami kang dapat isipin at tanggapin kapag nagdesisyon kang piliin siya.

Yan ang mga madalas kong ipayo sa mga kaibigan kong nagtatanong sakin tungkol sa mga pinagdadaanan nila.  Ewan ko ba, hindi ako eksperto sa usapin ng pag-ibig at pakikipag-relasyon pero marami pa rin namang kumukuha sa akin ng inspirasyon at nakikipag-usap para makakuha ng kaunting payo o words of wisdom. Wisdom nga ba? o maaring marunong lang ako talagang makinig, kahit hindi man nila tanggapin ang sinasabi ko o kahit hindi mann ako magsalita, basta makikinig ako.

Pero paano kung ang mga ipinapayo mo, isang araw na lang will dawn on you?  Paano kung ang mga paninindigan mo bigla na lang mababale-wala kasi sa tingin mo nahuhulog ka sa isang bangin na hindi mo alam kung gaano kalalim, paano kung mapunta ka sa isang sitwasyon na hindi mo alam ang hangganan, sa isang lugar na hindi mo alam kung anung patutunguhan? Paano kung nagmamahal ka na.........muli?

Para sa isang taong maraming taon ang binilang mahanap lang ang "the one", mahanap lang kung sino ba ang karapat-dapat, isang napakalaking challenge at pressure ang magkaroon ng isang perpektong relasyon.  Wala  naman talagang perfect relationship, but there is always that hope that the next would be better than the past ones.  There would always be that effort to make it work, to make it last, to keep it perfect.

Para sa isang tao na dumaan sa matinding unos sa pag-ibig, paano pa nga ba susubukang umibig muli, paano nga ba magtitiwala gayong sa panibagong pagkakataon, komplikado na naman ang sitwasyon?

Sa loob ng anim na taon, masasabi kong maraming oportunidad na ang dumating, pero ganun pa rin, puros na lang pagdududa sa intensiyon ng isang tao para sa iyo, pag-aalinlangan kung totoo ba ang ipinapakita nito, pagiging matakutin dahil takot magtiwala, at pagdadalawang isip kung susubok ba o titiklop, yan na lang ang laging nangyari, paulit-ulit.

Ngayon ko tuloy naisip na sana sa anim na taon na ipinagwalang bahala ko (kasi akala ko yun yung kailangan ko para maghilom lahat lahat ng sugat ng nakaraan eh), ngayon ko lang naisip na sayang.  Sayang kasi dapat sa loob ng mga panahong yun, maaring nahanap ko na siya at nakita na niya ako.  

Anung gagawin ko gayong kung kelan naman tumibok ang puso ko muli, sa komplikadong sitwasyon, sa maling tao?  Para bang mas kumplikado pa sa pinakakomplikadong bagay na nakayanan ko noon.  Pipigilan ko ba ang sarili kong magmahal? O magpapalamon na lang ako sa komplikadong sitwasyong ito?

Hays....bakit ngayon lang kasi ako?  Bakit ngayon lang ako dumating sa buhay mo  kung kailan hindi na ako ang maaring maging prayoridad mo?  Bakit kailangan pa kitang makilala sa panahong handa na akong magbigay ng pagmamahal ko para sa isang tao?  Bakit hindi mo na lang ako hinanap noon?  At bakit hindi ko na lang pinagbigyan ang sarili ko na makita ko noon?

Sa huli, alam kong hindi maaaring mangyari ang mga bagay na gusto natin, kahit pa nga ramdam na ramdam natin ang pagmamahal na ngayon pa lamang umuusbong, pero kagaya ng isang damo sa kailangan natin putulin ito para hindi na makasagabal pa sa pagyabong ng isang punong nararapat mamunga para sa ikabubuti ng iba.

Magpaparaya na lang akong muli.......dahil siguro, diyan ako magaling.  Baka nga yan ang purpose ko, dahil hindi ako nararapat para sa komplikado.