Friday, July 5, 2013

Letting Go


Paano nga ba lumayo mula sa taong minamahal mo at ipagpatuloy na lamang ang buhay bilang magkaibigan?  Pwede bang baguhin ang landas na minsang tinahak ninyo ng magkasama? Pwede nga bang baguhin at simulang muli? Paano ang mga alala na meron kayo? Paano ang mga pangarap na nabuo habang kayo ay magkasama?
Ilan lang yan sa mga tanong ko noon habang pinagdadaanan ko ang sa palagay ko’y madilim na yugto ng buhay-pag-ibig ko.  Siguro iisipin ng iba, napakadaling sagutin niyan. Eh di mag “let-go”. Ang tanong, paano nga ba umpisahan mag-let-go? Madali ba talagang gawin yun? 
Ang hirap na palayain siya pero alam ko sa sarili ko na kailangan. Pero kahit pa nga alam ko, hirap akong subukan, hirap akong simulan.  Matagal na panahon na kami ay nagmahalan, may mangilan-ngilan na ring beses sa mga panahon na ‘yun na lumisan siya at para bang susuko na, pero sinasabi ng puso ko na huwag akong bumitiw, eh ang puso kong masunurin, ayun! Kaya nga hindi bumibitaw ang puso hanggang kaya pa, hanggang sa tingin ko may pag-asa pa, kahit pa nga ang sakit-sakit na, kahit pa sinsasabi ng isip ko na kailangan ko nang gawin ito para sa akin --- para sa amin. 
Marami na kaming pinagdaanan at pinagsamahan.  Sabay  na tumawa, natuwa sa mga munting achievements  ng isat-isa, lumuha sa problema, nangarap para sa aming sarili, at para sa aming dalawa. Pero lahat ng iyon, wala na at hindi ko na nga maibabalik pa. Nakalipas na nga ang lahat.  Kailangan naming maghiwalay, lumayo sa isa’t-isa, at hayaan ang mga sarili naming gamutin ang sugat na dulot ng mga pangyayari sa buhay namin.  Sa puntong yun, kinailangang tulungan ang sarili naming lumimot, bumangon sa pagkagupo, at maging malakas na muli para lumaban sa hamon ng buhay.  At kailangan gawin naming ito ng mag-isa, yung hindi umaasa sa isa’t-isa.  Noon ko sinabi na hindi ko magagawa iyon kung hindi ako magiging matatag, at hindi ako magiging matatag kung patuloy akong aasa na nandiyan sa para sa akin para isalba ako sa lahat ng panahong madadapa ako.  Kailangan ko ring matutong tumayo sa sarili kong paa habang hininitay ko ang panahon na ganun din siya – yung panahon na kaya niya na akong panindigan at ipaglaban. 
Alam ko na isang araw magiging masaya rin ako, magiging masaya din siya --- gawin man namin ito ng mag-isa, magkasama, o baka nga sa piling ng iba.  Makakatagpo rin siya ang kapareha niya, karamay, at yung isang tao na magpapaligaya sa kanya ng tunay, yung magbibigay sa kanya ng pagmamahal na talagang kailangan niya at nararapat para kanya.  Aaminin ko, noon nangangarap  pa rin ako na sana isang araw, ako yun.  Kahit sandali, kahit konti lang, kahit pansamantala….pero sa isipan ko na lamang yun.  Ang dalangin ko na lang ay sana maging maayos ang buhay niya, sana mahanap niya ang inilaan ng Diyos para sa kanya. Sana matagpuan rin siya ng taong iyon.  
...at bukas makalawa, maiisip niya rin na ito ang mas tama, ito ang mas makakabuti, ito ang mas nararapat - ang magpalaya!

No comments:

Post a Comment