Dear Ekay,
Sa totoo lang hindi ko alam kung paano ko uumpisahan sabihin ang lahat ng ito sa iyo. Hindi ako magaling magpaliwanag, at hindi rin ako magaling magsulat, pero ang isa pang hindi ako magaling, eh yung makita kang nasasaktan. Pasensiya ka na kung sumulat na lang ako sa iyo. Gusto ko man sabihin lahat ng personal sa iyo ito, gusto ko man makita ka, alam kong ayaw mo na akong makita.
Alam ko nasaktan kita ng sobra. Hindi ko alam kung anu pang salita ang maari kong sabihin para lang ipaalam sa iyo na alam kong nagkamali ako. Hinihingi ko na sana mapatawad mo ako.
Hindi natin ginusto ang mga nangyari, nagkamali ako pero alam kong kasalanan ko. Akala ko kasi ‘yun lang ang isang tamang bagay na pwede kong gawin e. Ginusto ko lang magpakatotoo sa sarili ko at sa iyo kahit pa nga nakasakit ako sa proseso. Sinubukan ko, alam ng Diyos kung paano ko sinubukang ayusin ang lahat sa ating dalawa, sinubukan kong ibalik lahat, at pantayan ang lahat ng kaya mong ibigay at patuloy na ibinibigay, pero bigo ako at patuloy na mabibigo dahil napakabuti mo. Hanggang doon na lang talaga yung kaya ko eh, mahina ako, marupok, at hindi ko kayang tularan lahat ng ginagawa mong kabutihan, kahit pa gaano ko sikapin ‘yun. Ayokong maging isang tao na hindi naman talagang ako.
Minahal kita, alam mo ‘yan, at alam ko rin kung gaano mo ako pinahalagahan at inalagaan sa panahong tayo ay magkasama. Hindi naman tayo aabot sa ganito kung hindi natin pareho naramdaman na parte tayo ng isa’t-isa, pero siguro hindi lang talaga sapat yun para manatili pa tayong magkasama. Sa bandang huli, masasaktan lang natin ang isa’t-isa dahil magkaiba tayo at alam natin na maraming bagay ang hindi natin kayang harapin ng magkasama. Huwag na nating hintayin pa ‘yun dahil ayokong masaktan kita ng paulit-ulit, ayoko ring baguhin ka.
Sana maintindihan mo ako.
Sorry Ekay!
No comments:
Post a Comment