Thursday, July 11, 2013

Malilimot din kita, promise!

Gusto kong puntahan ang lugar kung saan kita huling nakita at nakasama.  Para akong baliw noh? Hanggang ngayon iniisip ko pa rin ang nakaraan natin.  Oo aaminin ko, nalulunod pa rin ako sa mga magagandang alaala nating dalawa. Mahigit tatlong taon din yun, o baka mag-aapat pa nga. Naaalala ko pa ang mukha mo, oo bawat anggulo, bawat sulok, bawat nunal na meron ka sa mukha mo, kabisado ko pa.  Kahit nga mga yakap mo minsan naiisip ko pa rin at nadarama, pati ang reyalidad na maaring may iba ka nang niyayakap sa ngayon.

Pero paano ba naman kita makakalimutan? Ikaw ang nagturo sa akin kung paano languyin ang kalaliman ng dagat, ikaw ang nagturo sa akin na mangarap kaya nga tayong dalawa ang siyang nagtayo ng tore na paglalagakan natin ng mga magagandang alaala.

Paano ko ba uumpisahang alisin ang lahat ng ituro mong ito sa akin?  Ngayon ay kailangan ko lahat isa-isang kalimutan, at isipin na wala akong natutunan na kahit ano.  Ganun lang ba talaga kadali yun? Mahirap magbura ng alaala ha?! Ano 'to? Kelangan ko ba magkaroon ng amnesia para lang mabura ang parte ng utak ko kung saan nandoon ang alaala mo?  Mahirap...mahirap talaga pero kailangan kong turuan ang sarili ko na wag ka nang mahalin. Kailangan kong magkunwaring hindi kita nakilala o nakasama, yung kunyari hindi ka nag exist?  Kailangan kong kalimutan na minsan minahal kita kasi ito lang ang tanging paraan para makalimutan kita ng tuluyan, pati yung sakit na patuloy kong nararamdaman sa tuwing maiisip kita.

Oo, determinado naman akong kalimutan ka.  Alam ko naman na kailangan ako mismo ang tumulong sa sarili ko na palayasin sa puso ko ang isang kagaya mo.  Kailangang bakantehin ang puwang sa puso ko para hayaang makapasok ang iba na maaring mas magpapaligaya nito. Hindi naman ako magmamadali kasi baka bumara siya, pero basta alam ko lang kailangan handa ito sa pagdating niya.

Kailangan ko nang bumitiw kasi hindi ko na kayang isalba at sagipin kita dahil ako man ay nalulunod na sa karagatan ng alaala mo. Kailangan ko na rin namang balikan ang sarili ko.... sa lugar na kung saan hindi na kita makikita, hindi na kita maalala pa.  Hindi ko alam kung kailan at saan, pero alam kong mangyayari din 'yon. Malilimutan din kita, maghintay ka lang, baka isang araw, isang linggo, isang buwan, isa, dalawa, tatlong taon - malilimot din kita.
Promise 'yan.

2 comments:

  1. This comment has been removed by the author.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Dear Sheriff Ube,

      Ngayon alam ko na king bakit ang 'I am Moving (ON)' post ko ang una mong binasa...

      Matanong ko lang, bakit mapait ang ube ngayon?

      Dama ang emosyon sa akda mong ito. Move-on move-on din 'pag may time but let it happen naturally. Hindi naman nating mapipilit na mawala ang damdamin sa iba lal na't alam natin sa sarili nating hindi pa tayo handa.

      Iiyak mo lang 'yan kaibigan.
      Kung may panghihinayang sa pagkawala, iiyak mo na lang din.

      Life is unfair sa mga gaya nating ang gusto lang ay magmahal ng tapat... tsk tsk..

      Hindi ka nag-iisa!

      Eniweis, gusto ko ang bagsakan ng mga salita! Hanga ako sa mga manunulat sa Filipino na nagpapahalaga sa mga alituntunin ng Balarila!

      Pasensiya mahaba ang aking komento.

      Delete