Monday, March 28, 2011

Anna

Sa isang silid, naroon si Anna, ang aking matalik na kaibigan.  Magdadalawang buwan na rin ang inilagi niya sa higaang iyon.  Masakit na ang halos buo niyang katawan at waring sa bawat niyang pagkilos ay nakakaramdam siya ng hapdi at kirot.  Nais ni Anna na matulog at magpahinga ngunit sa bawat pagpikit ng kanyang mga mata ay nagbabalik ang mga pangyayaring hindi niya kailanman inaasahang magaganap...

Isang buwan ng Agosto nang tawagan ako ni Anna, long distance iyon mula sa Amerika.  Tuwang-tuwa ako dahil pagkalipas ng mahigit-kumulang tatlong taon ay magkikita na kaming muli ni Anna.  Uuwi raw siya at ang kanyang buong pamilya tatlong araw matapos ang usapan naming iyon sa telepono.  

Hinintay ko ang araw ng kanyang pagdating...
Naghanda akong mabuti, ninais kong muli naming balikan ang mga lugar kung saan malimit kaming magkuwentuhan, magtawanan, maging mag-iyakan noon.  Sa mga lugar ding yaon nabuo ang mga mumunti naming pangarap.  Napakasaya kung iisipin, ngunit may mga pangyayari na talagang magpapaguho pala ng aming mga pangarap...

Papauwi na sila noon sa kanilang bahay sa Marikina sakay sa magara at bagong biling sasakyan ng kanyang ama.  Binabaybay nila ang kahabaan ng Edsa nang bigla na lamang sumalpolk ang kanilang kotse sa isang malaking trak.  Nagkagulo, nabalot ng ingay ng mga taong nag-uusyoso ang paligid, nariyan na rin ang sireno ng ambulansiyang paparating, pati na ang mga pulis na noon ay nag-iimbestiga sa naganap na trahedya.  Namatay noon din ang mga magulang ni Anna.  

Masuwerte siyang nakaligtas, buhay siya ngunit hindi niya pa rin matanggap hanggang sa ngayon na wala na siyang magulang.  Lagi pa rin siyang umiiyak at habang patuloy siyang naghihinagpis ay patuloy na nadaragdagan ang kirot ng kanyang mga sugat.  Gusto niya nang sumuko!  Gusto niya nang bumitaw sa kanyang natitirang sandali.  Masakit sa kanya ang mga nangyari...

...ngunit wala nang sasakit pa sa nararamdaman ko ngayon, danil si Anna, ang matalik kong kaibigan, ay wala na rin.
-----------------------------------------------------
In my Filipino class back in college, we were asked to write a short story.  This one is my quiz equivalent to 100 points. My professor graded this one 98! :)