Friday, February 25, 2011

“Ang Buhay parang Diner Dash"


Eto na naman ako, shempre pa nasa harap ng aking kompyuter, hindi ko nga alam kung anung isusulat ko eh. Marami akong dapat gawin pero nauwi  lang ako sa paglalaro ng “Diner Dash”, eh kasi naman mas madali pa yung mga instructions dun pati  kung paano ka makakaabot sa goal mo, paano ka kikita ng pera, at higit sa lahat mag-upgrade ng mga bagay-bagay na kaaya-aya sa paningin ng ibang tao lalo na yung mga pinagsisilbihan mo. 

Hay buti pa ang isang laro, nakakaaliw gawin, nakakaaliw pakinggan at tingnan habang nakikita mo ang iyong progreso, at wari ba’y hindi ka titigil sa stage na yun hanggang kaya pa ng powers mo…
Pagkatapos, pag nag-game-over, pwede namang “try again”… pwede rin naman “retry level”, yun bang hindi mo na kailangang bumalik sa pinakaumpisa para makapagsimula ulit…. Yung parang walang nangyari tapos ipagpapatuloy mo lang, minsan pa nga andun pa rin yung score mo, ni hindi nabawasan, tapos may reminder pa kung anung gagawin para makalampas ka sa stage na ganun….

Sana ganun lang kadali ang buhay ano? Yung kapag nagkamali ka o kaya naman kung nasaktan ka, pwedeng “try again”, pwedeng “continue” lang tapos okey na ulit, back to the game, wala pa ngang isang minuto, pindutin mo lang yung “ok” ayos na ulit!

Sana nga ganun lang magbura ng mga mali sa buhay mo, sana ganun lang din kabilis maghilom ang mga sugat kapag nasaktan ka ng sobra…

Sabagay, ika nga, laro kasi yun eh…eh ang sinasabi ko naman, totoong buhay. Malaki naman ang pagkakaiba di ba? Teka, malaki nga ba? Eh bakit may mga taong mahilig maglaro? O di kaya naman ay manakit ng kapwa, umapak ng dignidad, o kaya naman mangwasak ng pangarap?  Bakit nga ba may mga taong ang tingin sa buhay, o sa pag-ibig, ay isang laro lamang? Hay ewan ko, hindi ko alam ang sagot…

Buti pa sa diner dash, hindi naman mawawasak ang pangarap mo na marating ang dulo ng laro,,,, ang kelangan mo lang paulit-ulit lang, praktis ng praktis, tapos maabot mo rin ang goal mo, yung target score mo hanggang maging masaya ka kasi natapos mo na yung laro. Minsan pa nga ”expert goal reached” pa, bonus yun, ibig sabihin nag-exceed ka pa sa kung anu lang ang hinihingi sa’yo.   Ganun din naman ang buhay…minsan kelangan mo paulit-ulit ma-game-over, matalo, o mag try again para maabot mo kung anuman ang gusto mong marating…. Ah tama… Minsan wala ngang pagkakaiba ang laro at ang buhay…

Kaya ako, ilang beses mang madapa, magkamali, o masaktan, alam ko sa bandang huli,  magiging matatag pa rin ako…. Eh ano naman ngayon kung ma-game-over? Hindi pa naman katapusan ng mundo… Ang importante, susubok ulit ako, maglalaro ulit ako, haharapin ko lahat, kakayanin ko hanggang makarating ako sa Final Stage…

Oh ano? START?
______________
dahil hindi pa ako inaantok at wala na akong maisulat sa assignment na kailangan ipasa sa opisina bukas (mamaya pala), eto naglaro muna ako ng Diner Dash….tapos, narealize ko na yung mga nakasulat dyan sa taas oh…
…akalain mo nga naman, na-justify ko pa yung paglalaro ko imbes na mag-aral ako ng Political Law at gumawa ng curriculum ng program ko? Hehehe… at akalain mo ba namang may mapulot pa akong aral sa “Diner Dash”?