Showing posts with label mom. Show all posts
Showing posts with label mom. Show all posts

Tuesday, January 3, 2012

bagong bagong taon

walang ingay ng paputok at torotot
wala ring mga kalampag at kalabog
walang pasabog na barya at mamera
...bagung-bago ang bagong taon na wala ka


may salu-salo mang handa sa hapag
kasiyaha'y di lubos na mabanaag
iba pa rin ang nakaraang taon
kumpleto pa kasi tayo noon


alam namin kailangang magpatuloy sa buhay
pero sadyang kayhirap ng wala ka, inay.
hindi na talaga katulad ng dati
'pagkat ikaw ang siyang abala palagi


ngunit wala ka man sa aming piling
ang magkakasama ang pamilya, yan ang iyong hiling
kaya't sa bagong taon o kailan pa
kaming naulila'y magmamahalan sa tuwina

Tuesday, April 26, 2011

I thank God for Fathers....

Palaging sinasabi na Mother knows best, wala naman akong kuwestiyon dun, aware din naman ako dun at naniniwala ako, in fact, naranasan ko naman yan. Hindi matatawaran ang kalinga ng isang ina.

Pero sa panahong wala na ang ina, kagaya ng kaso ko, ngayon ko lang lubusang na-appreciate na sobrang importante ang tatay sa buhay ko.

Hindi kami ganun ka-close at ka-showy sa aming mga nararamdaman ng aking tatay, pero ngayon masasabi ko na sobra kong naramdaman ang pagmamahal, pag-aaruga, pagkalinga, pag-intindi, at paggabay niya.  Sa mga panahong kailangan ng masusing pagsusuri, pagninilay, at paninimbang ng desisyon, nariyan siya.  At hindi ko matatawaran iyon.

Ngayon, nandito ako sa sitwasyong kailangan kong magdesisyon muli, isang importanteng desisyon na lubhang makaka-apekto sa buhay ko... kinailangan ko siya...at hindi niya ako binigo.

Talaga nga namang ang wisdom ng ama ay ganun na lamang.  Ngayon, alam kong anuman ang desisyon na gawin ko, anumang option ang piliin ko, alam kong makakabuti ito, alam kong ito ang tama, kung hindi man, ay yung pinakamalapit sa tama.

Tay, salamat sa suporta.
Sadyang masasabi ko na "I thank God for fathers.... I am now enlightened".

Saturday, April 16, 2011

wala ka

lumuluha pa rin ang mga mata
sa tuwing kita'y maaalala
kahit na sinabing tanggap na
sadyang kay hirap nang wala ka


walang masabihan ng lungkot at saya
walang matakbuhan kapag may problema
kahit na nga sinabing tanggap na
mahirap mabuhay nang wala ka


sa bawat gabi, ako'y nalulungkot
sa buhay ko'y may bahid pa ng takot
paano ba ang mag-isa?
sadyang kay hirap ng wala ka


hindi ko malaman kung pa'no mag-umpisa
saan ako matatapos, sa'n ako pupunta?
ikaw na gabay ko sa tuwi-tuwina
sadyang kay hirap ng buhay pag wala ka.


_______________________________________
mahapdi at maluha-luhang mga mata bunga ng puyat at pag-iyak,  naisulat ito habang nasa isang pagpupulong... hindi ko rin naman maaninag ang mga nakasulat sa "visual aids", at hindi ko rin naman maintindihan ang mga inire-report :)

Monday, April 11, 2011

Para Sa Iyo




masaya akong aakyat sa entabladong ito
kakaibang damdamin, medyo may halong lungkot din,
sabay na rin ang yabang at pagpapakumbaba ko
....ang lahat ng ito'y para sa iyo.

nakasasabik ang araw na ito
talaga namang tagal nang 'pinaghintay ko
marami akong dinaanang pagsubok
at alam kong marami pang darating
ngunit payo mo saki'y wag maging marupok
sa pagtitiyaga, tagumpay ay mararating

sa araw na ito, magtatapos ako
sa buhay ay haharapin isang panibagong yugto
wala ka man para saksihan ito ngayon
...para sa iyo ang lahat ng iyon.
_______________________________________________
My mom never failed to attend all my graduation day since grade school. I offer this to her, I deeply miss her :(

Sunday, April 3, 2011

Inay, 'Yun Ka!

Mula sa pagkabata, ikaw ang nagisnan
Sa bawat araw na dumaan
Ikaw ang tinatakbuhan
Kahit minsan kami'y iyong napapagalitan
Iyon ay natural, nanay ka naman,


Habang lumalaki, andun ka sa aming tabi
Lahat ng gustuhin, pilit binibili
Bawat okasyon, may bago kami
Ganyan kami kamahal, mga anak na tinatangi


Nang malayo ako sa'yo
Sa tatay at tita ako
Laging umiiyak, pag di ka pa sumusundo
Tuwing BIyernes andyan ka na, tuwang tuwa ako
Pag Lunes wala ka na, nalulungkot na ako


Nang nagdadalaga, ikaw pa rin
Lagi sa aking piling
Di mo ako iniwanan, lagi pang inaalagaan
Gumagabay, nagtatanggol, nagmamahal
Iyan ka Inay, walang kasing rangal.


Dumating din sa puntong tayo'y nagtatalo
Lalo na nang sabihing mag-aasawa na ako
Ngunit anupamang dinadaanan ko
'Yun ka pa rin Inay, ang naging sandalan ko.


Ikaw na siyang lagi unang umuunawa
Mga problema at hinaing sa'yo'y inihihinga
Hindi nahihiya sapagkat mabait ka
'Yun ka, nandoon lagi, handang magparaya.


Ngayon Inay, ikaw ay wala na
Hindi pa rin lubos tanggap at
Lagi pa ring nadarama, ika'y parang nandyan pa...
Pati aking mga supling, alaala ka.
Sana Inay, ikaw ay masaya.
________________
a poem written by my sister for our beloved departed mother

Friday, March 25, 2011

...makalipas ang isang buwan

          Mahigit isang buwan na ang nakakalipas mula nang mawala ka ngunit ang puso ko ay balot pa rin ng lumbay.  Kahit na tanggap na ng aking isipan ang iyong paglisan, para bang hindi pa talaga handa ang puso kong magpaalam.  May mga ilang gabi pa rin akong lumuluha, naaalala kita, lalung-lalo na kapag ang larawan mo ay aking tinititigan.  Hanggang ngayon, pinupuno ko pa rin ng pagtatakip at pagbabalatkayo ang katotohanang hindi mo na ako mababalikan.

           Masakit para sa akin na wala na akong magawang paraan para makasama ka pa.  Kahit minsan lang, kahit isang saglit, kahit isang ulit na lang.  Wala na akong maiiyakan sa tuwing may mabigat akong pagdadaanan, wala na ring kasabay sa tuwinang may pagtatawanan, wala na rin akong mapagsasabihan at makakakuwentuhan sa bawat hinanakit, saya, dusa, o di kaya naman ay pag-ibig na aking mararanasan.
           


Wala ka na nga pala, talagang hanggang doon na lang :(

Tuesday, February 22, 2011

huling hantungan

papalapit na ng papalapit ang oras ng iyong pag-alis
...tik tak... tik tak....bawat minutong pumapatak.
ilang saglit pa ay permanente ka nang mawawala 
sa aming mga paningin, sa aming piling.
ayoko mang dumating ang sandaling iyon, 
wala akong magagawa para pigilan ang oras, 
para ibahin ang tadhana - ang tadhanang nakatakda mo kaming lisanin.

...sa kabila noon, iniwan mo kami sa panahong kami ay may kahandaan
kaming lahat, maging ikaw man...
kaya sa araw ng iyong pagpanaw, at sa araw ng iyong libing,
hindi ka na nga magiging parte ng bawat naming paggising,
kinabukasan....wala ka na sa aming piling.
hindi man maabot ng tingin, nasa isip ka namin ng taimtim.
...hindi  ka namin malilimutan, Inay!

Sunday, February 20, 2011

Kalansing

Bumukas ang salaming pintuan
Pumasok ang mga batang
may putikang paa,
bitbit ang supot
na puno ng barya…

Sosyal na rosas na
lalagyan…
Laman ay siyam na raang
mamisong barya,
lukot na beinte,
kalawanging tanso,
alay sa pinakamamahal
na butihing guro.


— Alay para kay Ma’am Luz