Paano nga ba lumayo mula sa taong
minamahal mo at ipagpatuloy na lamang ang buhay bilang magkaibigan? Pwede bang baguhin ang landas na minsang
tinahak ninyo ng magkasama? Pwede nga bang baguhin at simulang muli? Paano ang
mga alala na meron kayo? Paano ang mga pangarap na nabuo habang kayo ay
magkasama?
Ilan
lang yan sa mga tanong ko noon habang pinagdadaanan ko ang sa palagay ko’y
madilim na yugto ng buhay-pag-ibig ko.
Siguro iisipin ng iba, napakadaling sagutin niyan. Eh di mag “let-go”.
Ang tanong, paano nga ba umpisahan mag-let-go? Madali ba talagang gawin yun?
Ang
hirap na palayain siya pero alam ko sa sarili ko na kailangan. Pero kahit pa
nga alam ko, hirap akong subukan, hirap akong simulan. Matagal na panahon na kami ay nagmahalan, may
mangilan-ngilan na ring beses sa mga panahon na ‘yun na lumisan siya at para
bang susuko na, pero sinasabi ng puso ko na huwag akong bumitiw, eh ang puso
kong masunurin, ayun! Kaya nga hindi bumibitaw ang puso hanggang kaya pa,
hanggang sa tingin ko may pag-asa pa, kahit pa nga ang sakit-sakit na, kahit pa
sinsasabi ng isip ko na kailangan ko nang gawin ito para sa akin --- para sa
amin.
Marami na
kaming pinagdaanan at pinagsamahan.
Sabay na tumawa, natuwa sa mga
munting achievements ng isat-isa, lumuha
sa problema, nangarap para sa aming sarili, at para sa aming dalawa. Pero lahat
ng iyon, wala na at hindi ko na nga maibabalik pa. Nakalipas na nga ang
lahat. Kailangan naming maghiwalay,
lumayo sa isa’t-isa, at hayaan ang mga sarili naming gamutin ang sugat na dulot
ng mga pangyayari sa buhay namin. Sa
puntong yun, kinailangang tulungan ang sarili naming lumimot, bumangon sa
pagkagupo, at maging malakas na muli para lumaban sa hamon ng buhay. At kailangan gawin naming ito ng mag-isa,
yung hindi umaasa sa isa’t-isa. Noon ko
sinabi na hindi ko magagawa iyon kung hindi ako magiging matatag, at hindi ako
magiging matatag kung patuloy akong aasa na nandiyan sa para sa akin para
isalba ako sa lahat ng panahong madadapa ako.
Kailangan ko ring matutong tumayo sa sarili kong paa habang hininitay ko
ang panahon na ganun din siya – yung panahon na kaya niya na akong panindigan
at ipaglaban.
Alam ko na isang araw magiging
masaya rin ako, magiging masaya din siya --- gawin man namin ito ng mag-isa,
magkasama, o baka nga sa piling ng iba. Makakatagpo
rin siya ang kapareha niya, karamay, at yung isang tao na magpapaligaya sa
kanya ng tunay, yung magbibigay sa kanya ng pagmamahal na talagang kailangan
niya at nararapat para kanya. Aaminin ko, noon
nangangarap pa rin ako na sana isang
araw, ako yun. Kahit sandali, kahit
konti lang, kahit pansamantala….pero sa isipan ko na lamang yun. Ang dalangin
ko na lang ay sana maging maayos ang buhay niya, sana mahanap niya ang inilaan
ng Diyos para sa kanya. Sana matagpuan rin siya ng taong iyon.
...at bukas
makalawa, maiisip niya rin na ito ang mas tama, ito ang mas makakabuti, ito ang
mas nararapat - ang magpalaya!