Thursday, July 4, 2013

Eksena sa Government Hospital


Minsan nakaka-kunsensiya dahil madalas tayong magreklamo, mabilis tayong magreklamo dahil matagal ang isang bagay o hindi natin kaagad makuha ang mga gusto natin, o dahil hindi nangyayari ang mga gusto nating mangyari.

     Tuwang tuwa ako nung nalaman ko na pasado na ako at kailangan ko na lamang magpasa ng mga requirements para makapagtrabaho sa gobyerno. Sa may 9 na taon kong pamamalagi sa pribadong kumpanya, panibagong environment ito para sa akin.  Isa sa mga kailangan kong gawin eh yung magpa-medical (lahat naman siguro pinagdaanan ito) kaso lang ang kakaiba nga lang eh matapos ko matapos lahat ng dapat gawin, kailangan pala sa tinatawag nilang government physician ako magpapirma.

Kinailangan kong pumunta sa district hospital sa lugar namin kasi doon ko lang matatagpuan ang doktor na maaring pumirma sa mga papeles ko.  Malapit lang naman pero dahil nga hindi naman ako pumupunta dun, pakiramdam ko umeffort pa rin talaga ako sa pagpunta.


       Inagahan ko ang punta kasi inaasahan ko na ang mahabang pila, mabuti na rin ang maaga di ba?
Hanggang sa...ang isang oras na paghihintay ay naging dalawa, naging tatlo, naging apat!!!

     Ang tagal ng doktor, sobra talaga, mabagal ang proseso, masungit ang mga tao, paulit-ulit ang tanong at ang proseso ng pakikipagkita sa doktor para magpakonsulta at at nasabi ko na lang
 " Walang sistema ang ospital ng gobyerno! Siguro mamamatay ako ng kakahintay dito." 
     Siyempre may kasamang eksaherasyon ang pahayag na iyon dahil nga sobrang inip na inip na ako. Hindi biro ang pumila ng mahigit tatlong oras para lamang magpakunsulta at magpapirma sa doktor dahilan lang sa isa itong rekwisito para sa trabaho ko.

       Hanggang sa isang scenario ang nagpamulat sa akin sa isang malungkot na katotohanan:

      May isang matandang babaeng nasa wheelchair. May kasama siyang lalaki, hindi naman katandaan at hindi rin sobrang bata pero palagay ko anak niya yun. Sa uanang tinging ko pa lang sa matanda,alam ko na na may masakit sa kanya, may iniinda siya sa bandang tiyan niya, siguro nga sobrang sakit, dumadaing siya, at kung titingnan sa pangangatawan niya, halata na may karamdaman siya. Idagdag mo pa sa nagpapahirap sa kalooban niya ang pasaway niyang anak na halos sigawan siya, at pabugnot na sagutin na "Maghintay ka nga 'Nay! susunod na tayo, marami ngang pila". 
                                                        
     Tapos bigla ko naalala ang init ng ulo ko dahil sa inip at gutom. Na-realize ko bigla na ang kapal ng muka kong magreklamo gayong normal naman ang pangangatawan ko, malakas ako, at kaya ko ang sarili ko.  Kung ako naghihintay at napapagod, paano pa kaya ang matandang iyon? Paano pa kaya ang marami pang kagaya nila na walang choice kung hindi ang pumila at magtiis ng gutom, init, kasungitan ng mga kawani ng pampublikong hospital na iyon, dahil wala silang pera, dahil wala silang pambayad sa espesiyalista, pangtustos sa lab tests, at kung anu ano pang kailangan para gumaling ang sakit nila?Paano pa kaya sila?

       Isang napakalungkot na reyalidad na kailangang tanggapin, unawain, at gawan ng paraan.

     Pagkatapos ng lahat ng ito, magtatrabaho ako sa gobyerno, hindi bilang doktor o staff sa ospital. Pagkatapos nito, mapapabilang ako sa mga taong naglilingkod sa bayan --- sa munti kong paraan. Nawa ay mas maunawaan ko sila, nawa ay may magawa ako, nawa ay hindi ako kainin ng bulok at mabagal na sistema.