Ang dali sabihin na wag na lang siya, ay nako mahirap yan, hindi siya tama, hindi kayo bagay, mas may tao pang magmamahal sa'yo, may makikita at mahahanap ka pang iba, 'wag lang siya!
'Wag lang siya kasi komplikado masyado ang buhay niya. Marami kang dapat isipin at tanggapin kapag nagdesisyon kang piliin siya.
Yan ang mga madalas kong ipayo sa mga kaibigan kong nagtatanong sakin tungkol sa mga pinagdadaanan nila. Ewan ko ba, hindi ako eksperto sa usapin ng pag-ibig at pakikipag-relasyon pero marami pa rin namang kumukuha sa akin ng inspirasyon at nakikipag-usap para makakuha ng kaunting payo o words of wisdom. Wisdom nga ba? o maaring marunong lang ako talagang makinig, kahit hindi man nila tanggapin ang sinasabi ko o kahit hindi mann ako magsalita, basta makikinig ako.
Pero paano kung ang mga ipinapayo mo, isang araw na lang will dawn on you? Paano kung ang mga paninindigan mo bigla na lang mababale-wala kasi sa tingin mo nahuhulog ka sa isang bangin na hindi mo alam kung gaano kalalim, paano kung mapunta ka sa isang sitwasyon na hindi mo alam ang hangganan, sa isang lugar na hindi mo alam kung anung patutunguhan? Paano kung nagmamahal ka na.........muli?
Para sa isang taong maraming taon ang binilang mahanap lang ang "the one", mahanap lang kung sino ba ang karapat-dapat, isang napakalaking challenge at pressure ang magkaroon ng isang perpektong relasyon. Wala naman talagang perfect relationship, but there is always that hope that the next would be better than the past ones. There would always be that effort to make it work, to make it last, to keep it perfect.
Para sa isang tao na dumaan sa matinding unos sa pag-ibig, paano pa nga ba susubukang umibig muli, paano nga ba magtitiwala gayong sa panibagong pagkakataon, komplikado na naman ang sitwasyon?
Sa loob ng anim na taon, masasabi kong maraming oportunidad na ang dumating, pero ganun pa rin, puros na lang pagdududa sa intensiyon ng isang tao para sa iyo, pag-aalinlangan kung totoo ba ang ipinapakita nito, pagiging matakutin dahil takot magtiwala, at pagdadalawang isip kung susubok ba o titiklop, yan na lang ang laging nangyari, paulit-ulit.
Ngayon ko tuloy naisip na sana sa anim na taon na ipinagwalang bahala ko (kasi akala ko yun yung kailangan ko para maghilom lahat lahat ng sugat ng nakaraan eh), ngayon ko lang naisip na sayang. Sayang kasi dapat sa loob ng mga panahong yun, maaring nahanap ko na siya at nakita na niya ako.
Anung gagawin ko gayong kung kelan naman tumibok ang puso ko muli, sa komplikadong sitwasyon, sa maling tao? Para bang mas kumplikado pa sa pinakakomplikadong bagay na nakayanan ko noon. Pipigilan ko ba ang sarili kong magmahal? O magpapalamon na lang ako sa komplikadong sitwasyong ito?
Hays....bakit ngayon lang kasi ako? Bakit ngayon lang ako dumating sa buhay mo kung kailan hindi na ako ang maaring maging prayoridad mo? Bakit kailangan pa kitang makilala sa panahong handa na akong magbigay ng pagmamahal ko para sa isang tao? Bakit hindi mo na lang ako hinanap noon? At bakit hindi ko na lang pinagbigyan ang sarili ko na makita ko noon?
Sa huli, alam kong hindi maaaring mangyari ang mga bagay na gusto natin, kahit pa nga ramdam na ramdam natin ang pagmamahal na ngayon pa lamang umuusbong, pero kagaya ng isang damo sa kailangan natin putulin ito para hindi na makasagabal pa sa pagyabong ng isang punong nararapat mamunga para sa ikabubuti ng iba.
Magpaparaya na lang akong muli.......dahil siguro, diyan ako magaling. Baka nga yan ang purpose ko, dahil hindi ako nararapat para sa komplikado.