Saturday, September 7, 2013

Kumunoy


Hanggang kailan pa ba ako kakapit,
paano ba, dapat pa nga bang ipilit?
Kung nahuhulog na ako sa kumunoy,
na waring nag-aalab at nag-aapoy

Hahagisan mo ba ako ng lubid,
o lilisan ka para maging matuwid?
Sa biyaheng 'di ako ang nag-umpisa,
ako lang sana bakit sasama ka pa?

Hanggang saan ba ako maglalakbay,
o hanggang kailan pa ba maghihintay?
Kung ang kumunoy na putik na pag-big,
kusa nang sa aki'y palapit ng palapit.

Hahagisan mo pa ba ako ng tali,
kung saan man gawa 'di ko na mawari.
Ang tanging natatanto ko lang ngayon,
Hindi na makabibitaw, saan ba paroroon?

Hindi magpigilan ang kumukulong kumunoy,
pulang dugong kumukulo sa bawat panaghoy.
Hahagisan mo pa ba ako ng makakapitan,
gayong kusa akong tatalon at magpapaalam.