Dear Mark,
Alam ko naman na aalis ka rin, matatapos din ang lahat kaya mabuti pang huwag na lang nating umpisahan 'to. Pagod na pagod na akong sa pakiramdam na laging iniiwan at pagod na akong masaktan. Hindi ko alam pero bakit kahit anong pagod ko napapawi kapag nararamdaman ko na sa isang banda ng buhay mo, may espasyo din para sa akin. Hindi ko maiwasang isipin na pwede rin akong maging masaya, pwede rin kitang makasama, pwede din kitang mahalin.
Kahit na alam ko na magulo pa sa pinakamagulo, mas komplikado pa sa pinakakomplikado itong pinapasok ko, hindi ko pa rin mapigilan. Eh ang hirap naman kasing kalabanin ang sarili, ang hirap pagsabihan ng puso ko. Pero, wala na eh, laglag na ako.
Sa totoo lang, gusto kong magalit sa iyo kasi hinayaan mo akong mahulog tapos hindi ka naman sigurado na kaya mo akong saluhin. Alam ko sinabi mo na 'yun, sinabi mo na makailang ulit na gagawin mo ito, pero iba pa rin ang nakikita at nararamdaman ko. Alam mo, gusto kong sisihin ang sarili ko kung bakit ako naniwala na hindi kasalanan ang maging masaya. Baka nga kasi hindi ako nababagay maging masaya, baka hanggang dito lang talaga ako. Baka ito ang kaparalaran ko, wala eh, kahit anung gawin ko, hanggang ngayon nasasaktan pa rin ako. Nasasaktan dahil kahit gaano ko paikut-ikutin ang istorya natin, talagang huli na ang lahat... maaring pati ang pagtatagpo natin huli na rin, dahil nangyari ito sa maling panahon. Mali na hindi na maitatama pa, o tama na mananatiling sa paniniwala na lamang.
Wala naman akong gustong mangyari na kahit ano, ang sakit lang kasi isipin na kung kailan ko naramdamang handa na ako at ang puso ko, saka ka naman dumating. Dumating ka pero hindi naman permanenteng mananahan sa lugar na inilaan ko para sa iyo.
Siguro, paalam na lang. Masakit talaga eh pero siguro, "boarder" ka lang sa puso ko, at paso na ang kontrata natin. Tapos na.
Ingat ka sa bago mong bahay, sa bago mong buhay.
Nagmamahal,
Julia