Wednesday, July 24, 2013

time first!


Ano nga ba ang meaning ng “time-first”? Pano ba naimbento ang salitang ito? Hindi ako eksperto sa mga etimolohiya pero pipilitin kong magbalik-tanaw. Pipilitin kong ipaliwanag sa pamamagitan ng limitadong alam ko sa salitang ito at kung saan-saan ba pwedeng i-apply ito.

Ang alam ko una ko itong narinig sa laro na “habulan” noong bata pa ako. Hala sige, takbo rito, takbo roon, malapit ka na maabutan ng taya.  Tapos, sabay, sisigaw ka ng “taympers” sabay nakasenyas ka pa ng letter “T” gamit ang iyong dalawang palad.  Oh di bah? Hindi ka matataya, iwas huli kumbaga. Hmmm….kadayaan ba ‘yun? Pwede rin! Pero pwede rin naman na may magandang dahilan, baka nga naman pagod ka na, nadapa ka, swerte kung hindi ka nagalusan o nasugatan, o di kaya naman eh napigtal na ang goma mong tsinelas sa kakatakbo.

Hmmm… time-first…isip pa ako ha?

Pwede rin kung tuluy-tuloy ka ng pagsasalita sabay bigla mo nakalimutan ang sasabihin mo. “taympers”, pagkatapos nun, mag-iisip ka na ng kung anu nga ba ang susunod mong sabihin. Oh di ba? “savior” ang dating ng salitang ito? Kesa naman bigla ka na lang titigil ng walang pasintabi di ba?

Ahhhh…. Oo pwede rin pala siya i-apply kapag sobrang dami na ng nagsasalita, sabay-sabay, nagtatalo na ang mga magkakausap at hindi magkasundo sa kung anumang bagay na pinagtatalunan o pinagdidiskusyunan. Inappropriate kung iisipin pero di ba nagamit na rin ang salitang “time-first”! Sino ba talagang mauuna? Sino bang magsasalita? Teka… ako ba o ikaw? O sige ako na nga muna!

May kaibigan ako, eto masaya siya kasi may bago na naman siyang nobyo. Makulay ang mundo niya, masaya at parang lumulutang sa alapaap sa kasiyahan. Walang humpay na bukambibig niya ang kanyang sintang minamahal. Siya na yata ang pinaka perfect para sa kanya. Sa wakas nahanap niya na rin ang taong magmamahal sa kanya ng wagas. Naks!  Pero ilang taon din ang lumipas, wala rin pala.

Nasaan na ang taong iyon? Nasaan na ang tunay na pagmamahal na pinagmamalaki niya?  Siguro, ganun lang naman talaga ang buhay, may dumadating, may umaalis. Baka nga hindi naman “meant to be” kaya nagkaganun.  O sige, okey lang…. Masakit naman talaga di ba. 

Hinayaan ko siyang manahimik ng ilang buwan. Alam kong iniinda niya pa rin ang sakit ng mga panahong iyon kaya pinili niya na lang magsolo, magmukmok, at tuluyang hindi magsalita kahit pa nga alam niya naman walang “time-first” sa akin kapag gusto niya na ng kausap. Naisip ko rin, baka nga siya ang nag invoke ng “time-first”!  “O sige, time-first ha? Gusto ko munang manahimik, pabayaan niyo lang ako”. At ganun na nga ang nangyari.

Okey…. Matapos ang pagmumukmok…eto na… Nagbalik ang sigla sa kanyang muka, nagrurumosas na nga ang kanyang pisngi sa galak…Ahhh…siguro may bago na siya? Posible…pero final na nga ba ito? Ang bilis naman!  Sabagay, kung ang pagpapalit nga na ginawa sa kanya mabilisan rin, bakit naman di niya rin makakaya ang ganun?

Kaya lang napaisip ako, eto na nga ba ang tamang gawin niya? Paiba-iba, padami ng padami…pakomplikado ng pakomplikado. Anung patutunguhan nito? Ayokong sa bandang huli ay pagsisihan niya ang lahat.  Baka masyado siyang magmadali na malampasan ang lahat ganung hindi pa naman siya tunay na handa dito. Baka mashado siyang nagmamadaling marating ang finish line gayong pwede namang mag ”time-first”.

Pauli-ulit ko naman sinasabi sa kanya na pahinga muna di ba? Hindi naman requirement na kailangan laging attached, committed, o merong someone, o merong something. Marami namang mga kaibigan.  Hindi naman kailangan laging may minamahal di ba? Pwede naman magpahinga, karapatan niya yun. Kailangan niya yun. She deserves that little break.  Kumbaga sa laro eh, time-out muna o kaya “time-first” sabi nga ng mga bata di ba?  Di ba nagpapahinga naman talaga ang mga napapagod para ma regain nila yung mga energy na nawala?  Pwede rin namang i-apply yun sa sarili, sa puso, sa utak. 


Bakit hindi mo lang subukan? Time-first!