Sunday, September 8, 2013

Sad Truth #2: Biyaheng Cambodia

Hindi ito isang travel blog dahil unang-una hindi naman ito travel blogsite.  Pangalawa, hindi po ako travel blogger (pangarap ko lang yun, pero hindi ko pa tinutupad), at pangatlo, hindi ko rin alam paano magsulat ng isang travel blog, pakiramdam ko kasi kailangan marami akong mapuntahang lugar para maituring ang sarili kong travel blogger, otherwise, puro "ironic" things na naman ang mga pinaggagagawa ko.

       Gusto kong umpisahan ang kwento tungkol sa aking paglalakbay sa ibang bansa.  First time ko ito kaya pakiramdam ko mukha akong tanga kumpara sa mga kasama ko (siyempre hindi ko pinahalata).  Sa totoo lang kinakabahan ako, kasi naman yung isang kaibigan ko bukod sa tinakot na ako na baka raw kuwestiyunin ako sa Immigration at tanungin ng kung anu-anong bagay, baka raw mapagtripan pa ako dahil cute ako (baka ibig sabihin niya lang hindi ako kagalang-galang o yung tipong kayang mandarag ng immigration officer).  Anyways, despite the pananakot thing...and everything, hindi naman ako magpapapigil, but of course natuloy pa rin ako.  Sa isang banda, anu nga ba ang kakatakutan ko, eh alam ko naman na wala akong iligal na ginawa at maitim na balak gawin sa ibang bansa?  Isa pa, anu pa bang takot ang dapat kong maramdaman kung kasama ko naman ang pamilya ko? Oo, kasama ko ang mga kapatid ko sa biyaheng ito.

         Natutuwa akong isipin na natupad na ang isang nakalista sa "bucketlist" ko, yun ay ang magbiyahe sa ibang bansa, Cambodia to be exact. Ang tagal ko na kasi naririnig yung Angkor Wat at seryoso naiinggit ako sa mga nakapunta na kaya sinabi ko sa sarili ko na bago matapos ang taon na ito ay bibisitahin ko yun. Noong una, ayaw ko pa talagang sumama sa kanila kasi nga may mantra ako na hindi ako gagala sa ibang bansa nang hindi ko napupuntahan ang Luzon, Vizayas, at Mindanao.  Ang biyaheng ito para sa akin? Magastos, nakakapagod, bitin!  Ganunpaman, sa isang banda, hindi ko pinagsisisihan ang lahat. Unang una nakasama ko ang pamilya ko sa paglalakwatsa, ang saya nun! Pangalawa, may panibago na naman akong experience, at pangatlo, marami akong natutunan sa maikling biyaheng ito:

1.  Mainit sa Cambodia, parang sa Pilipinas. Mainit din ang pagtanggap nila sa amin lalung-lalo na ang aming tour guide, hotel personnels, guides ng iba't-ibang sites na pinuntahan namin, driver, maging mga tindera, at iba pang Cambodians na nakasalamuha namin.

2. Mahirap na bansa ang Cambodia. Hanggang ngayon naiiwan pa rin sila sa usapin ng teknolohiya.  Nakita ko ito sa pagbisita namin sa kanilang Silk Farm na kung saan manu-mano pa rin talaga ang produksyon sa paggawa ng seda o silk.  Tao at hindi mga makina ang gumagawa, nagkukulay, nagtatahi, at naghahabi ng tela. Kung mayaman lang akong businesswoman, babalakin kong mag-invest doon. (pangarap!)

3.  Mahirap man silang bansa, wala akong nakitang traces na "katamaran" sa kanilang mga mamamayan.  Kahit na maliit ang sweldo nila (yung nakausap namin na tindera halos 8 oras nagtatrabaho pero nasa halos P3000.00 lang ang sweldo).  May mga bata rin na nagtitinda na sa murang edad. At talagang pursigido silang makabenta.  In general, masasabi kong masisipag ang mga Cambodians siguro dala na rin ng kahirapan nila (ang ganda di ba, mahirap ka na nga, kaya tama lang na magsipag ka, eh sa Pilipinas? Mahirap na nga, puros asa pa sa ayuda ng gobyerno, ang lakas pa makapanisi ng gobyerno na para bang obligasyon ng gobyernong punan ang hapag-kainan nila ng pagkain sa araw-araw. Oooopps! teka nadadala ako ng aking emosyon) 

4.  Halos lahat sa kanila ay nakakapag-Ingles din kaya iba man ang accent sa kanila, marunong silang makipag-usap sa maraming turista.  Napag-alaman ko rin na halos 3 milyon ang bumibisita sa Angkor Wat (pa lamang) sa loob ng isang taon.  Parang katumbas na ng halos 3 milyon na turista sa Pilipinas -- sa buong Pilipinas.
Si Akong, ang aming napakabait, napaka accomodating, at mahusay na tour guide. Bravo! Pinahanga mo kami sa taglay mong kaalaman, pagmamahal at dedication sa trabaho, at sa pagiging natural na masayahing tao. Naging masaya ang paglalakbay ng grupo dahil sa iyo.

5. Boom na boom ang turismo sa kanila dahil trained at professionals ang mga guides.  Sa tingin ko centralized ang pamamahala sa mga tourguides. Naka uniform sila at trained magsalita ng iba't-ibang lingguwahe depende sa lahi ng turistang sasamahan nila.  Naisip ko tuloy, sino ba sa atin ang "professional tour guide" na de kalibre na at tunay na maraming alam sa history ng Pilipinas, ng Maynila? Parang si G. Carlos Celdran lang yata. Meron pa ba?

6.  Sagrado nilang ituring ang mga templong bibisitahin dahil hindi maaring magsuot ng tsinelas, sleeveless, at maiikling mga damit.  Requirement nila na ang "below the knee" na pang ibaba, at halos 3-fourths na manggas na t-shirt o blouse.  Ganun nila iginagalang ang at nirerespeto ang kanilang mga templo, ang kanilang kultura, ang kanilang relihiyon. (Buddism ang relihiyon ng karamihan sa kanila) Nakakatuwa, nakaka-amazed, nakakainggit.







7.  Nakakalungkot na scenario: Dahil ayon sa pagkakaalam ko, tinuruan lamang ng mga Pinoy ang mga Cambodian sa UPLB ng mga pamamaraan sa pagsasaka at pag-ani ng palay.  Ngayon, napaka-ironic dahil isa na sila sa major exporter ng bigas sa Asia at maging sa Pilipinas.

8.  Walang trapik, malinis ang bansa nila, disiplinado ang mga tao, at most of all, tapat ang mga tao. Nakita ko ito sa mga tindahan, palikuran, at ibang establisyimiyento na kung saan iniiwan lang ng mga customers ang bayad nila at naroon lang ang pera, walang kumukuha. Kung ikukumpara sa Pilipinas, isa lang ang alam kong may "honesty store" yun ay yung sa Batanes.  Naalala ko pa na yung binilihan kong bata ng mga ref magnets, binayaran ko siya ng 10U$, pero 2U$ lang naman ang halaga ng binili ko, ibinigay niya ang mga binili ko, at saka tumakbo papalayo para humanap ng isusukli sa akin. (Naiwan na sa akin yung mga ref magnets at pati na rin yung pera).  

Nakilala ko si Niyang, ang batang nagtitinda ng ref magnets, postcards, at iba pang souvenir items sa loob ng Angkor Wat park. Wala naman talaga akong balak bumili dahil hindi ako mahilig sa mga small items at pasalubong pero nahikayat niya ako.  Sobrang uso sa bansang ito ang "tawaran". Naawa ako sa kanya nung sinabi niya sa akin na kailangan may benta siya para may baon siya sa eskwelahan. Pumapasok siya sa umaga at nagtitinda naman sa hapon.

Bumalik siya sa akin bitbit bitbit ang panukli sa buong 10U$ ko,
9.  Hindi ko alam pero hindi ako nakaramdam ng banta sa seguridad ko. SIguro kasi hindi naman ako mukang mayamang turista.... pero yun nga, wala akong takot na naglakad sa night market na bitbit ang pera at camera ko. Wala akong naramdaman na anytime eh may manghahablot ng mahahalaga kong gamit. 


Natutuwa ako sa mga experience na ito, pero nalulungkot ako para sa bansa ko. Kung sana pwede lang natin makuha kahit kaunti ng ugali meron sila. Kung sana may disiplina lamang tayong mga Pinoy, di hamak na mas maunlad at mas mayaman ang bansa natin sa kanila. Mas marami tayong resources eh, pero kulang tayo sa disiplina. Isang nakakalungkot na katotohanan na naman.

Marami pa sana akong kwentong-Cambodia, pero itutuloy ko na lang sa sunod na entry.