Sunday, August 25, 2013

Makialam, 'wag lang basta sawsawera!

Hindi ako magkukunwaring aware ako sa lahat ng isyung bumabalot sa ating napakagandang lipunan sa ngayon.  Ang sa akin lang, talaga naman talaga naman napakarami pa rin talagang sawsawero at sawsawera.  I’m sure alam niyo naman yung ibig kong sabihin, yun bang mga tao na ride na lang ng ride sa mga isyu, o di kaya naman eh ipinangangalandakan pa talaga ang stand niya sa mga isyung politikal na ito, madalas gamit ang social media.  Ilang facebook friends ko na nga ba ang nakitaan ko ng status tungkol sa Napoles issue, tungkol sa PDAF, tungkol sa pork barrel na yan? Hmmm... marami-rami na rin pero alam ko rin na sa dinami-dami nila, mangilan-ngilan lang ang tunay na may alam ng katotohanan.

Hep hep! Hinay-hinay lang naman kasi. Ang  mga puso ninyo. Kailangan niyo rin pangalagaan yan at baka ma highblood kayo sa galit, aba eh daig niyo pa ang kumain ng sandamakmak na pork na yan ‘pag nagkataon.  Payo lang, pigilan niyo muna ang mga sarili niyo na magmura, mainis, at magpuputak sa social media, manong alamin muna ang mga bagay bagay at detalye ng mga pinagsasabi mo, para hindi ka magmukang tanga na putak lang ng putak sa isyung ni hindi mo naman alam ang malalim na pinag-ugatan.


May mga naninisi pa kay PNoy, kasi siya raw ang may kasalanan ng lahat ng ito. Ows talaga? Siya lang talaga? Ang galing mo ring manisi eh noh? Eh ikaw, anung kasalanan mo? Wala? Kapatid, isip isip din? Sino ba ang mga ibinoto mo noong nakaraang eleksyon, at nung mga nakaraan at nakaraan pang eleksyon?  Hindi ba’t matagal ng sakit ng lipunan natin yang korapsyon na yan?  Hindi ka pa ba nasanay? Oh eh anung ginawa mo?  SIguro ngayon lang talaga nagsisipaglabasan ang mga yan kasi nga mas matapang na ang mga whistle blowers, mas may powers na silang umihip sa silbato nila para ilabas ang mga anumalya sa pamahalaan natin.  Pero hindi lang naman sila ang bumubuo sa lipunan, lahat tayo kasali dito, kumbaga eh damay damay na. Kaya imbes na pumutak ka lang ng pumutak at magmura sa lintek na nawawalang parte ng sweldo natin (itago natin sa pangalang “tax” o buwis) eh, gawa gawa rin.

Makialam ka, kahit sa munti mong paraan.