Hindi na naman ako makatulog, naaalala ko na naman kasi ang nakaraang taon. Pangatlong araw pa lang ng bagong taon, pero sobra na akong excited sa mga mangyayari ngayon. Excited na akong baguhin ang lahat ng hindi magagandang kaugalian, excited na akong ayusin ang mga mejo nasirang pagkakaibigan, mga relasyong medyo nalamatan, at mas lalong excited na na palitan ng mga bagong medyo alaala ang mga medyo "bad memories" hatid ng nakaraan.
At dahil palagi nga naman akong napupuyat at pansin niya ito, isang kaibigan ang nagsabi na makakatulong daw kung magbibilang ako ng pabaligtad para makatulog. Kung sana ganun lang kasimple ang lahat ng bagay, kung sana lang pwede ring baligtarin ang lahat kapag hindi ito tumakbo ng naayon sa gusto natin, kung pwede lang sanang mag-umpisa tayo ng pabalik. Marami siguro akong bagay na uulitin, o nakaraang ibabalik mula sa umpisang umpisa para maitama ko, para maiayos ko, at para maging mas masaya ako.
Pero sadyang may mga bagay na hindi na maibabalik kahit gaano ko pa naisin, may mga nakaraang hanggang doon na lamang talaga. May mga pangyayaring nakatakdang maganap o di kaya naman ay tao na nakatakdang isang beses lamang dumaan sa buhay mo, kahit pa nga sa maling oras at panahon pa. Gaano man tayo kaingat at naging kamapanuri, meron at meron tayong mapapalampas na pagkakataon...sa ayaw man natin o gusto.
Parang pag-ibig....masarap ang pakiramdam ng umiibig. Marami namang sasang-ayon dito. Marami ring tao na maraming beses na nahulog, kinilig, umibig, nagmahal,tumawa, umiyak, umasa at nasaktan.
Oo, naramdaman ko na lahat ng iyan. Sa kaso ko nga lang, hindi ko alam kung talaga bang naipakita ko at naiparamdam ko ng buo ang pagmamahal na nararapat sa mga taong iyon. Hindi ko alam kung naging masyado bang sarado ang puso ko at bulag ang mga mata ko para hindi ko makita na pwede rin naman pala akong magmahal muli kahit pa ako ay nasaktan.
Marahil, madalas, para lamang silang mga buhangin sa aking mga palad....hawak ko na pero mabilis kong mabitiwan, mashado kasi silang pino, habang mashado namang maliit ang kamay ko. Parang mga ugali nila, pino, kumpara sa ugali kong hindi tipikal. Ang kamay ko, maliit yata mashado, palagi pang nakasarado dahil takot na akong bigay na lamang ng bigay.
Dahil bagong taon, alam ko na kasabay ng panahon, kailangan ko ring magbago. Pagtingin sa kapwa, pag-appreciate ng mga bagay-bagay sa paligid ko, at pati na rin ang pag move-on sa mga bagay at pangyayari sa buhay ko. Dahil lahat naman ng iyan may kadahilanan kung bakit nagaganap. Hindi nangyayari dahil "wala lang", alam ko na palagi namang may lesson ang isang istorya. (Sa istorya ko, ikaw na lang ang bahala kung may mapupulot ka ha? )
Salamat sa mga kaibigang pumapansin kapag puyat na puyat ako,sa mga taong nagpapagaan ng loob ko sa tuwing stressed na ako sa trabaho, at salamat sa mga taong kumakausap kapag pakiramdam ko ay nag-iisa ako at walang bolpen at papel na available, at sa mga taong sumama sa lahat ng trip at kalokohan ko. (masama man o mabuti ito) Dahil sa kanila, masasabi kong masaya na ulit ako. Handa na nga yata ako.
Kaya sa susunod na maramdaman ko ang pagtibok muli ng aking puso, hindi ko na itatago kagaya ng ginawa ko, hindi na ako matatakot magbukas muli ng damdamin (after all, akin naman yun eh), at hinding hindi na rin ako bibitaw kung kaya ko namang kumapit pa.
Hindi ko na palalampasin ang pagkakataon na maging maligaya, dahil kagaya ng pagkakataon, isang beses lamang dapat lumalagpas yun, kung may pangalawa, pangatlo pa, katangahan na siguro ang tawag dun!