Monday, April 11, 2011

Para Sa Iyo




masaya akong aakyat sa entabladong ito
kakaibang damdamin, medyo may halong lungkot din,
sabay na rin ang yabang at pagpapakumbaba ko
....ang lahat ng ito'y para sa iyo.

nakasasabik ang araw na ito
talaga namang tagal nang 'pinaghintay ko
marami akong dinaanang pagsubok
at alam kong marami pang darating
ngunit payo mo saki'y wag maging marupok
sa pagtitiyaga, tagumpay ay mararating

sa araw na ito, magtatapos ako
sa buhay ay haharapin isang panibagong yugto
wala ka man para saksihan ito ngayon
...para sa iyo ang lahat ng iyon.
_______________________________________________
My mom never failed to attend all my graduation day since grade school. I offer this to her, I deeply miss her :(

Monday, April 4, 2011

miss kitaAa :(


Nakakalungkot…nakakamiss.

Sabi ko na nga ba hindi dapat masanay
Sabi ko na nga ba hindi dapat maghintay
Nakakapagtaka….nakakairita.

Hindi naman dapat ganyan di ba
Anu bang dahilan, anu ba talaga?
Nakakalito….nakakasakit ng ulo
Isip ka ng isip… kung mali o tama ba ito

Sabi ko na nga ba di dapat inumpisahan

Sabi ko na nga ba….dapat pinag-isipan.
Nakakalungkot…nakakamiss,
Hindi naman dapat….pero nakakainis.

Hindi naman dapat....pero talagang nakakamiss.

Lando

Ilang taon kaya aabutin ito? Kailan magwawakas ang kuwento ni Lando? Tunghayan ang liham na naglalaman ng mga lihim.  Sundan ang kabanata ng pag-ibig at paghanga. Wakasan ang istoryang hindi matapus-tapos, bigyan ng kulay ang bawat nitong pag-agos.  Samahan si Lila sa kanyang mga dusa at saya.
________________________________________________________________________
Oktubre 2008

Masaya na rin ako kahit sa konting sandali na nakita kita.
Na-miss din kita... may katagalan din bago tayo nagkita ulit.
Oo masaya na rin ako dahil kinailangan mo ang tulong ko kahit papano.
Hay, hindi ko maintindihan kung bakit ang pinakamaliit at pinakawalang kwentang bagay o kilos ay maaring maging kasing halaga ng mundo para sa akin kapag ikaw ang may gawa.

Minsan iniisip ko tama nga ba na magustuhan kita o humanga ako sayo? Masyadong malaki ang agwat natin maging sa edad at estado sa buhay. Pero natutuwa ako kapag itinuturing mong balewala ang lahat ng ito. Masaya ako tuwing lumalapit ka na para bang isang kaibigan ang turing mo sa akin. Ewan ko ba, malapit ka na namang matapos sa ginagawa mo, sana nga maging matagumpay ang lahat. Nandito lang naman ako palagi para sa iyo. Sumusuporta ako kahit hindi mo alam. Nakikinig kahit na nasasaktan…

Natutuwa ako sa lahat ng bagay na nagagawa mo, sa mga pangarap na natutupad mo. Pumapalakpak ako sa bawat kompetisyon na pinagtatagumpayan mo. Pinapanuod ko ang lahat ng ito gamit ang aking puso.

Masaya ako dahil sa araw na ito, pinili mong ako ang makasama, ako ang makita ng iyong mga mata... Ayokong isipin na wala ka lang ibang mapuntahan kaya mo ginawa iyon. Ganunpaman, naisip mo ako, nakita mo ako, napansin mo ako. Sino pa bang mas higit na sasaya kaysa sa akin?

Sa ngayon hindi ko alam kung mahal kita at hindi naman masasabi yun ng ganun ganun na lang... Ang alam ko lang masaya ako sa bawat pagsilay ko sa iyong mukha. Masaya ako sa bawat ngiti na nanggagaling sa iyong mga labi. Maligaya akong nakikita ka na unti-unting natutupad at inaabot ang iyong mga pangarap.

Umaasa ako na sa huli, magkikita tayong muli. Babalik ka sa akin para magbigay ng ngiti at pag-asa. Masaya ako…masaya ako dahil sa iyo.

_________________________________________________________________________
Marso 2009

Tama nga ako…. Muli mo na naman akong napasaya… Hndi ko kasi alam talaga kung anung meron ka eh, basta ang alam ko lang kapag nakikita kita, naiiba ang mood ko. Naiiba na lahat ang pagtingin ko sa mundo. Para bang may bagong pag-asa palagi?  Hindi ko nga alam kung mabuti ba o masama na ganito ang nararamdaman ko eh.  Pero isa lang ang alam ko malaki talaga ang epekto mo sa akin. Haaay..para kang droga, daig mo pa nga ata eh kasi konting dosage mo lang, solb na solb na ako!

Ngayon naman nakita ko ang mga moves mo. Nakow…nabighani na naman ako sa kakaibang ag galaw at mga kilos mo. Marunong ka rin pala sa bagay na iyon. Ang galling hindi ko inaasahan pero napabilib mo na naman ako.  Hindi mo alam ito noh?

Hindi mo na rin siguro dapat malaman pa, baka naman kasi ma-feel mo pa eh.  Mabuti na yung humahanga ako ng hindi mo batid, mabuti na rin na isang lihim na lang ang pagtingin kong ito, kung meron man, o kung gayun man nga.  Mabuti na rin ang hindi ako umasa dahil ayoko rin namang masaktan.  Ayoko rin namang isipin na may pag-asa tayong dalawa.  Kagaya nga ng sinabi ko, malayo talaga ang agwat natin.  Kakaiba, hindi masusukat, at parang imposible talagang isipin na maaaring maging tayong dalawa sa bandang huli.  Hindi ko na rin ito iniisip,  hindi ko na rin dapat pang alalahanin.  Basta’t masaya ako…sapat na ang lahat nang ito.
 ________________________________________________________________________
 Disyembre 2010

Sa tinagal-tagal hindi ko na nga inaasahan pa na matandaan mo ako o makilala pa sakaling magkita. Aba, marami na rin naming nagbago, baka nga lumaki na ang katawan mo, kuminis ang muka, medyo tumanda, pero siguro makisig at gwapo pa rin (at least sa paningin ko ha?), at siyempre, hindi lang ikaw. Ako rin naman sa palagay ko lang, may mga ipinagbago.  Nagpapapayat na nga pala ako ngayon. Ikaw kasi atleta ka so malamang hindi mo na kailangan, pero ako? Hmmm…wala lang, maiba lang naman, at may bago lang sana na gawin sa buhay.  Alam mo kasi, sobrang na-bored ako. Mula nung hindi na kita nakikita, pati yung mga nakakasama mo, pakiramdam ko nabawasan talaga ang tuwa sa mundo ko.  Hindi na kasi ako madalas tumawa sa mga simpleng joke eh, kiligin sa mga simpleng gestures, at humalakhak sa tuwing sasadyain mo talagang magpatawa.

Sabagay, ang tagal na nga naman talaga.  Lampas isang taon din yun ah?
Oo, naririnig rinig ko minsan ang pangalan mo, pero, hindi ko na rin mashado pinag ukulan ng pansin, eh kasi nga naman….wala naman nang mangyayari, wala namang magbabago. Iba talaga tayo ng mundo. Yun pa lang, tapos ang kwento.

Hindi ko lang talaga inaasahan na isang araw, habang naglalakad akong mag-isa sa supermarket, galing pala ako sa gym nun, eh bigla mo na lang akong ginulat.  Syempre ginulat nga, so natural gulat na gulat ako! Badtrip wala man lang akong nasabing salita kundi “OMG!” Hindi ko man lang natanong kung may kasama ka o san ka na ba ngayon! Siguro pagkatapos ko sabihin ang “OMG!”, ang plain plain lang talaga ng muka ko.  Hindi ko na rin kasi napagtuunan ng pansin ang reaksyon mo, basta nakita ko lang na masaya ang muka mo, nakangiti ka. 

Mabilis dapat kumilos dahil malapit nang magsara yung supermarket, eh may hahanapin pa ako na kailangan kong bilihin.  Ayun! Pagkalampas mo, pagtalikod ko sa’yo, bigla na naman akong kinilig, bigla akong ngumiti.  Grabe talaga.  Biruin mong simpleng ganun lang naman ang ginawa mo tine-treasure ko??

Masaya lang akong isipin na ikaw ang unang pumansin sa akin, ikaw ang unang nakakita.  O sige na bibigyan ko na ng meaning. At least, natatandaan mo pa ako. At least kilala mo pa ako. Yun lang naman, masaya na ako!
 ________________________________________________________________________
Abril 2011

Grabe talaga.  Sa panahong hindi ko naman inaasahan, nakita na naman kita. Nakakatuwang isipin na ang matagal ko nang inisip na imposible ay possible palang mangyari. Tadhana pala talaga gagawa ng paraan upang magtagpo tayong muli. Nakakatuwa, hindi mo alam kung gaano mo ako napasaya.  Hindi kita masyadong nabigyang pansin dahil abala ako sa mga dapat kong tapusin sa araw na ito, pero alam kong nasilayan mo na bakas sa aking mukha ang pagkamangha, pagkagulat, at ang pagkasabik na naidulot sa akin ng iyong pagdating. Kinikilig ako kahit hindi ko alam kung dapat, kung tama ba, at kung may dahilan pa, pero yun talaga ang aking nararamdaman. Yun talaga!
_______________________________________________________________________
patapos na ang Abril 2011


Nagulat ako talaga nung narinig ko ang balita, noong una pa nga ay hindi ako makapaniwala.  Pero sinabi ko na lang sa aking sarili na siguro nga ay talagang posible naman. Ang sabi ko pa, aalamin ko na lang ang katotohanan sa mga susunod na araw.  Marahil sa pagkaabala ko, hindi ko na rin masyadong napagtuunan ng pansin ang bagay na iyon, hanggang sa isang araw na nga lang, ang iniisip kong baka hindi naman totoo ay bakas na ang linaw.  Tama nga! Nariyan ka na, malapit ka na, maari ka nang maabot.  Para kang isang bituing pinapangarap lang na ngayon ay bumaba mula sa kalangitan, kaya nang mahawakan, madalas na mamamasdan.
Hay! anu ba ito? tingnan mo na nga ang epekto mo, para na akong nagiging makata dahil sa iyo.


Sa isang pagkakataon, mas malapit na tayong dalawa, mas nag-usap na.... hindi pa rin ganun katagal at ka-makabuluhan pero pwede na rin. May kilig, kaba at saya, para bang ito na ang pinakamasarap, pinakamasaya, at pinaka na-enjoy ko ang pagbili ng pagkain sa "canteen", na madalas naman ay pinagsasawaan ko na.  Sa mga susunod na araw, baka magkasabay ulit tayo, baka mag-usap na ulit tayo, malay mo magkuwentuhan na tayo? 
Alam kong hindi ito ang una.....hindi rin ito ang huli.  See you around! :)

Sunday, April 3, 2011

Inay, 'Yun Ka!

Mula sa pagkabata, ikaw ang nagisnan
Sa bawat araw na dumaan
Ikaw ang tinatakbuhan
Kahit minsan kami'y iyong napapagalitan
Iyon ay natural, nanay ka naman,


Habang lumalaki, andun ka sa aming tabi
Lahat ng gustuhin, pilit binibili
Bawat okasyon, may bago kami
Ganyan kami kamahal, mga anak na tinatangi


Nang malayo ako sa'yo
Sa tatay at tita ako
Laging umiiyak, pag di ka pa sumusundo
Tuwing BIyernes andyan ka na, tuwang tuwa ako
Pag Lunes wala ka na, nalulungkot na ako


Nang nagdadalaga, ikaw pa rin
Lagi sa aking piling
Di mo ako iniwanan, lagi pang inaalagaan
Gumagabay, nagtatanggol, nagmamahal
Iyan ka Inay, walang kasing rangal.


Dumating din sa puntong tayo'y nagtatalo
Lalo na nang sabihing mag-aasawa na ako
Ngunit anupamang dinadaanan ko
'Yun ka pa rin Inay, ang naging sandalan ko.


Ikaw na siyang lagi unang umuunawa
Mga problema at hinaing sa'yo'y inihihinga
Hindi nahihiya sapagkat mabait ka
'Yun ka, nandoon lagi, handang magparaya.


Ngayon Inay, ikaw ay wala na
Hindi pa rin lubos tanggap at
Lagi pa ring nadarama, ika'y parang nandyan pa...
Pati aking mga supling, alaala ka.
Sana Inay, ikaw ay masaya.
________________
a poem written by my sister for our beloved departed mother

Wednesday, March 30, 2011

Hindi dapat minamadali ang pagiging okey

Naguguluhan ako ngayon hindi dahil nasasaktan ako o dahil meron akong sinasaktan...
Naguguluhan ako dahil sa palagay ko nagmamahal ako. 

Tama... pakiramdam ko handa na nga ako, gusto ko nang magmahal muli...at sa sobrang tagal ng pinaghintay ko, sana "worth it" naman ito.

Ang problema nga lang, sa paghihintay ko na maging ayos na ako, parang naging matigas na nga rin pati ang puso ko.  Sa sobrang pagkagamit ko ng puso ko nung nakaraan, masyado naman yatang nasobrahan sa pamamahinga nito, kung minsan nga ayaw na gumana.  Puro utak na lang tuloy ngayon, isip ng isip kung ano ba ang tama?  Sino ba ang tama? At kelan ba magiging tama, korek, at malaking tsek ang umibig muli?

Yun na nga!  Marami nang dumating pagkatapos kong malampasan ang isang napakalaking unos sa buhay pag-ibig ko, hindi ko naman ma-appreciate lahat dahil siguro nakalimutan ko nang paganahin ang puso ko.  Minsang titibok na ito pero eto na naman at pipigilan ko dahil iniisip ko kong baka nabibigla na naman si puso, baka ayan na naman at magmamadaling maging okey kahit hindi pa naman pala talaga...
Madami nang napahamak sa pagmamadali, marami nang nasaktan, at oo inaamin ko, isa na ako dun. Malaking pagkakamali ang nagawa ko na madaliin ang puso ko, kasi minsan nakakabulag, nakakalasing, nakakawindang ang pag-ibig. 

Kaya sa susunod, hindi na ako magmamadali, pwede naman kasing hinay hinay, pwede naman kasing maghintay, hindi talaga dapat minamadali ang pagiging okey, dahil kagaya ng sugat na pilit ang paggaling, kagaya ng nilalagnat na nabinat.... delikado!



Monday, March 28, 2011

Anna

Sa isang silid, naroon si Anna, ang aking matalik na kaibigan.  Magdadalawang buwan na rin ang inilagi niya sa higaang iyon.  Masakit na ang halos buo niyang katawan at waring sa bawat niyang pagkilos ay nakakaramdam siya ng hapdi at kirot.  Nais ni Anna na matulog at magpahinga ngunit sa bawat pagpikit ng kanyang mga mata ay nagbabalik ang mga pangyayaring hindi niya kailanman inaasahang magaganap...

Isang buwan ng Agosto nang tawagan ako ni Anna, long distance iyon mula sa Amerika.  Tuwang-tuwa ako dahil pagkalipas ng mahigit-kumulang tatlong taon ay magkikita na kaming muli ni Anna.  Uuwi raw siya at ang kanyang buong pamilya tatlong araw matapos ang usapan naming iyon sa telepono.  

Hinintay ko ang araw ng kanyang pagdating...
Naghanda akong mabuti, ninais kong muli naming balikan ang mga lugar kung saan malimit kaming magkuwentuhan, magtawanan, maging mag-iyakan noon.  Sa mga lugar ding yaon nabuo ang mga mumunti naming pangarap.  Napakasaya kung iisipin, ngunit may mga pangyayari na talagang magpapaguho pala ng aming mga pangarap...

Papauwi na sila noon sa kanilang bahay sa Marikina sakay sa magara at bagong biling sasakyan ng kanyang ama.  Binabaybay nila ang kahabaan ng Edsa nang bigla na lamang sumalpolk ang kanilang kotse sa isang malaking trak.  Nagkagulo, nabalot ng ingay ng mga taong nag-uusyoso ang paligid, nariyan na rin ang sireno ng ambulansiyang paparating, pati na ang mga pulis na noon ay nag-iimbestiga sa naganap na trahedya.  Namatay noon din ang mga magulang ni Anna.  

Masuwerte siyang nakaligtas, buhay siya ngunit hindi niya pa rin matanggap hanggang sa ngayon na wala na siyang magulang.  Lagi pa rin siyang umiiyak at habang patuloy siyang naghihinagpis ay patuloy na nadaragdagan ang kirot ng kanyang mga sugat.  Gusto niya nang sumuko!  Gusto niya nang bumitaw sa kanyang natitirang sandali.  Masakit sa kanya ang mga nangyari...

...ngunit wala nang sasakit pa sa nararamdaman ko ngayon, danil si Anna, ang matalik kong kaibigan, ay wala na rin.
-----------------------------------------------------
In my Filipino class back in college, we were asked to write a short story.  This one is my quiz equivalent to 100 points. My professor graded this one 98! :)

Saturday, March 26, 2011

hiling

Para sa iyo Jay,

     Ang ginawa mo sa akin ay lubhang napakasama.  Dahil sa iyo, masyado na akong tumitingin sa panlabas na anyo, estado ng buhay, pananaw, pangarap, sa kung anu ang meron sa hinaharap, sa lahat lahat ng bagay na HINDI IKAW!  Naging napakababaw na ng pagtingin ko sa tinatawag na relasyon dahil alam kong sa oras na pinasok ko ito, may hangganan na naman, may deadline, may expiration.  Hindi na rin ako ngayon madaling maniwala - at pagkatiwalaan.  Hindi na nga ako madaling mapasaya dahil hindi ko na alam kung tunay ba iyo o pagkukubli lamang sa isang bagay na makakasakit sa akin.  Sa madaling salita, masyado na akong nagdududa.  Hindi ko na nga rin yata alam kung paano ba ang magpasaya ng iba.

     Hindi ko alam kung nasaan ka na at ano na nga ba ang estado ng buhay mo.  Nagbago na kaya ang iyong itsura? Natuto ka na rin ba sa buhay. Malawak na ba ang iyong pang-unawa o may mga plano ka na ba para ayusin ang buhay mo?  Wala naman akong balak na alamin ang lahat ng ito. Gusto ko lang sanang hilingin na palayain mo na ako - ang utak, ang puso, na nakagapos pa rin sa alaala mo!

                                                                                                                                               - Lila
                                                                                                                                  
----------------------
Still haunted by her past relationship 2 years ago, the author was able to write this to her ex-boyfriend.  This is an unsent letter.