Sunday, April 3, 2011

Inay, 'Yun Ka!

Mula sa pagkabata, ikaw ang nagisnan
Sa bawat araw na dumaan
Ikaw ang tinatakbuhan
Kahit minsan kami'y iyong napapagalitan
Iyon ay natural, nanay ka naman,


Habang lumalaki, andun ka sa aming tabi
Lahat ng gustuhin, pilit binibili
Bawat okasyon, may bago kami
Ganyan kami kamahal, mga anak na tinatangi


Nang malayo ako sa'yo
Sa tatay at tita ako
Laging umiiyak, pag di ka pa sumusundo
Tuwing BIyernes andyan ka na, tuwang tuwa ako
Pag Lunes wala ka na, nalulungkot na ako


Nang nagdadalaga, ikaw pa rin
Lagi sa aking piling
Di mo ako iniwanan, lagi pang inaalagaan
Gumagabay, nagtatanggol, nagmamahal
Iyan ka Inay, walang kasing rangal.


Dumating din sa puntong tayo'y nagtatalo
Lalo na nang sabihing mag-aasawa na ako
Ngunit anupamang dinadaanan ko
'Yun ka pa rin Inay, ang naging sandalan ko.


Ikaw na siyang lagi unang umuunawa
Mga problema at hinaing sa'yo'y inihihinga
Hindi nahihiya sapagkat mabait ka
'Yun ka, nandoon lagi, handang magparaya.


Ngayon Inay, ikaw ay wala na
Hindi pa rin lubos tanggap at
Lagi pa ring nadarama, ika'y parang nandyan pa...
Pati aking mga supling, alaala ka.
Sana Inay, ikaw ay masaya.
________________
a poem written by my sister for our beloved departed mother

Wednesday, March 30, 2011

Hindi dapat minamadali ang pagiging okey

Naguguluhan ako ngayon hindi dahil nasasaktan ako o dahil meron akong sinasaktan...
Naguguluhan ako dahil sa palagay ko nagmamahal ako. 

Tama... pakiramdam ko handa na nga ako, gusto ko nang magmahal muli...at sa sobrang tagal ng pinaghintay ko, sana "worth it" naman ito.

Ang problema nga lang, sa paghihintay ko na maging ayos na ako, parang naging matigas na nga rin pati ang puso ko.  Sa sobrang pagkagamit ko ng puso ko nung nakaraan, masyado naman yatang nasobrahan sa pamamahinga nito, kung minsan nga ayaw na gumana.  Puro utak na lang tuloy ngayon, isip ng isip kung ano ba ang tama?  Sino ba ang tama? At kelan ba magiging tama, korek, at malaking tsek ang umibig muli?

Yun na nga!  Marami nang dumating pagkatapos kong malampasan ang isang napakalaking unos sa buhay pag-ibig ko, hindi ko naman ma-appreciate lahat dahil siguro nakalimutan ko nang paganahin ang puso ko.  Minsang titibok na ito pero eto na naman at pipigilan ko dahil iniisip ko kong baka nabibigla na naman si puso, baka ayan na naman at magmamadaling maging okey kahit hindi pa naman pala talaga...
Madami nang napahamak sa pagmamadali, marami nang nasaktan, at oo inaamin ko, isa na ako dun. Malaking pagkakamali ang nagawa ko na madaliin ang puso ko, kasi minsan nakakabulag, nakakalasing, nakakawindang ang pag-ibig. 

Kaya sa susunod, hindi na ako magmamadali, pwede naman kasing hinay hinay, pwede naman kasing maghintay, hindi talaga dapat minamadali ang pagiging okey, dahil kagaya ng sugat na pilit ang paggaling, kagaya ng nilalagnat na nabinat.... delikado!



Monday, March 28, 2011

Anna

Sa isang silid, naroon si Anna, ang aking matalik na kaibigan.  Magdadalawang buwan na rin ang inilagi niya sa higaang iyon.  Masakit na ang halos buo niyang katawan at waring sa bawat niyang pagkilos ay nakakaramdam siya ng hapdi at kirot.  Nais ni Anna na matulog at magpahinga ngunit sa bawat pagpikit ng kanyang mga mata ay nagbabalik ang mga pangyayaring hindi niya kailanman inaasahang magaganap...

Isang buwan ng Agosto nang tawagan ako ni Anna, long distance iyon mula sa Amerika.  Tuwang-tuwa ako dahil pagkalipas ng mahigit-kumulang tatlong taon ay magkikita na kaming muli ni Anna.  Uuwi raw siya at ang kanyang buong pamilya tatlong araw matapos ang usapan naming iyon sa telepono.  

Hinintay ko ang araw ng kanyang pagdating...
Naghanda akong mabuti, ninais kong muli naming balikan ang mga lugar kung saan malimit kaming magkuwentuhan, magtawanan, maging mag-iyakan noon.  Sa mga lugar ding yaon nabuo ang mga mumunti naming pangarap.  Napakasaya kung iisipin, ngunit may mga pangyayari na talagang magpapaguho pala ng aming mga pangarap...

Papauwi na sila noon sa kanilang bahay sa Marikina sakay sa magara at bagong biling sasakyan ng kanyang ama.  Binabaybay nila ang kahabaan ng Edsa nang bigla na lamang sumalpolk ang kanilang kotse sa isang malaking trak.  Nagkagulo, nabalot ng ingay ng mga taong nag-uusyoso ang paligid, nariyan na rin ang sireno ng ambulansiyang paparating, pati na ang mga pulis na noon ay nag-iimbestiga sa naganap na trahedya.  Namatay noon din ang mga magulang ni Anna.  

Masuwerte siyang nakaligtas, buhay siya ngunit hindi niya pa rin matanggap hanggang sa ngayon na wala na siyang magulang.  Lagi pa rin siyang umiiyak at habang patuloy siyang naghihinagpis ay patuloy na nadaragdagan ang kirot ng kanyang mga sugat.  Gusto niya nang sumuko!  Gusto niya nang bumitaw sa kanyang natitirang sandali.  Masakit sa kanya ang mga nangyari...

...ngunit wala nang sasakit pa sa nararamdaman ko ngayon, danil si Anna, ang matalik kong kaibigan, ay wala na rin.
-----------------------------------------------------
In my Filipino class back in college, we were asked to write a short story.  This one is my quiz equivalent to 100 points. My professor graded this one 98! :)

Saturday, March 26, 2011

hiling

Para sa iyo Jay,

     Ang ginawa mo sa akin ay lubhang napakasama.  Dahil sa iyo, masyado na akong tumitingin sa panlabas na anyo, estado ng buhay, pananaw, pangarap, sa kung anu ang meron sa hinaharap, sa lahat lahat ng bagay na HINDI IKAW!  Naging napakababaw na ng pagtingin ko sa tinatawag na relasyon dahil alam kong sa oras na pinasok ko ito, may hangganan na naman, may deadline, may expiration.  Hindi na rin ako ngayon madaling maniwala - at pagkatiwalaan.  Hindi na nga ako madaling mapasaya dahil hindi ko na alam kung tunay ba iyo o pagkukubli lamang sa isang bagay na makakasakit sa akin.  Sa madaling salita, masyado na akong nagdududa.  Hindi ko na nga rin yata alam kung paano ba ang magpasaya ng iba.

     Hindi ko alam kung nasaan ka na at ano na nga ba ang estado ng buhay mo.  Nagbago na kaya ang iyong itsura? Natuto ka na rin ba sa buhay. Malawak na ba ang iyong pang-unawa o may mga plano ka na ba para ayusin ang buhay mo?  Wala naman akong balak na alamin ang lahat ng ito. Gusto ko lang sanang hilingin na palayain mo na ako - ang utak, ang puso, na nakagapos pa rin sa alaala mo!

                                                                                                                                               - Lila
                                                                                                                                  
----------------------
Still haunted by her past relationship 2 years ago, the author was able to write this to her ex-boyfriend.  This is an unsent letter.

Friday, March 25, 2011

desisyon!

Sobra akong naguguluhan ngayon kaya hindi ko maiwasang isulat ito.  Kagaya ng nasabi ko sa description ng blog na ito, gusto kong magsulat, gusto kong magpahayag.  Maaring sa lahat ng mga sinasabi ko, ang iba ay kataas taas ng kilay, ang iba naman maaraing sumang-ayon sa akin. Pero ganunpaman, hindi na iyon mahalaga, amg importante kasi akin ito...pakiramdam ko, pag-iisip ko, opinyon ko, damdamin ko!

Mahirap dahil muli akong naguguluhan. Bihira na mangyari sa akin ang pagkakataon na ito, hindi ko nga inasahan, pero eto, andito na naman. Akala ko malinaw na ang lahat, akala ko handa na akong iwan sa nakaraan ang mga kaguluhan na aking napagdaanan. Akala ko rin mas malakas na ako at mas matapang harapin ang mga bagay bagay lalu na kung patungkol naman ito sa akin. Pero bakit ganun? Nagtatalo na naman ang puso at isipan ko.  Sa panahong lubos na kinakailangan ang pasensha, konsentrasyon, pag-iisip ng malalim.....pag-unawa, at pagmamahal.

Sa ngayon,, nakakaramdam ako muli ng pagkabalisa dahil hindi ko matanto ang tama at ang mali.  Hindi ko maiwasang isipin ang mga ibang tao at ang mga iisipin din nila.  Minsan, hindi ko na maharap ang sarili kong kaligayahan dahil hindi ako sigurado kung ikakasiya din nila ito.  Naisip ko naman, bakit hindi ko gawin ang gusto ng puso ko, anu bang mawawala? Anu  bang nakakahiya sa pag-gawa ng sa tingin mo ay makakapagpasaya sa iyo, tama man o mali ito?

Hay, hindi ko pa rin alam, umaayon ata pati ang pagsusulat ko sa pagkalito ng aking puso at isip.  Naaapektuhan pati ang pagsulat ko. Ilang sandali na lang, kailangan ko nang magdesisyon. Ilang sandali na lang...

...makalipas ang isang buwan

          Mahigit isang buwan na ang nakakalipas mula nang mawala ka ngunit ang puso ko ay balot pa rin ng lumbay.  Kahit na tanggap na ng aking isipan ang iyong paglisan, para bang hindi pa talaga handa ang puso kong magpaalam.  May mga ilang gabi pa rin akong lumuluha, naaalala kita, lalung-lalo na kapag ang larawan mo ay aking tinititigan.  Hanggang ngayon, pinupuno ko pa rin ng pagtatakip at pagbabalatkayo ang katotohanang hindi mo na ako mababalikan.

           Masakit para sa akin na wala na akong magawang paraan para makasama ka pa.  Kahit minsan lang, kahit isang saglit, kahit isang ulit na lang.  Wala na akong maiiyakan sa tuwing may mabigat akong pagdadaanan, wala na ring kasabay sa tuwinang may pagtatawanan, wala na rin akong mapagsasabihan at makakakuwentuhan sa bawat hinanakit, saya, dusa, o di kaya naman ay pag-ibig na aking mararanasan.
           


Wala ka na nga pala, talagang hanggang doon na lang :(

Wednesday, March 23, 2011

ngiti

bakit ganun?

kung kelan naman kakasabi ko lang na okey na okey ako sa kalagayan ko ngayon, eto na naman, may susulpot namang pangyayari...hay!

hindi ko masabi kung maganda ba o hindi ito, pero ang alam ko lang, nakakalito, nakakasuya, nakakainis, nakakamiss, nakakapanghinayang.....

...pero may ngiti na muli ang aking mga labi.

bakit kaya?