Thursday, August 25, 2011

tanga-hanga

Salamat sa isang kaibigan dahil niyaya niya ako pumunta sa lugar na iyon.   Nagdadalawang-isip pa nga ako eh kasi naman may mga importanteng bagay din akong dapat isagawa sa araw na ito pero nanaig ang kagustuhan kong bigyan ng konting pabuya ang sarili ko sa pagsisikap ko nang may ilang araw... sumama ako!

Naisip ko na talaga ang posibilidad, pero mabilis ko ring binawi sa isipan ko dahil alam ko naman na hindi yun ang pakay namin, isa pa, may kalabuan talaga dahil malawak, magulo, maingay, at wala talagang pagkakataon ang pagtatagpong inaasam ko para sa ating dalawa.

Pero siguro nga may mga munting panalangin na hindi naman mahirap ipagkaloob.  May mga munting kahilingan din na madaling tuparin.  Gaya ng dati, hindi ko na naman inaasahan na makikita kita muli.  Minsan ko na kasing nilisan ang lugar kung saan kita natagpuan  -- maging ang pag-asa na maari pa tayong, magkalapit ay iniwan ko na rin may ilang buwan na ang nakakalipas.  Pero sadyang hindi pa rin maipaliwanag sa tuwing magkikita tayo ay kakaiba pa rin ang nararamdaman ko...

Pagkababa ko pa lang ng sasakyan kung saan ako lulan ay nasilayan ko na ang mukha mo, ang matikas mong katawan, at ang iyong matamis na ngiti.  Marahil, nakita mo rin ang biglang pagbabago ng aking mukha mula sa maputla-putla epekto ng puyat nung nakaraang gabi, hanggang sa kumulay rosas ang aking mga pisngi.  Damang-dama ko ang init ng aking mukha dahil sa pagkabigla.  Wala na naman akong nasabi, tila naging pipi na naman ako at walang lumabas na kahit isang salita sa aking bibig kahit pa nga marami akong nais na sabihin sa iyo.  Kaya't kumaway  na lang ako para ipaalam sa iyo na napansin kita.  Ginantihan mo naman iyon sa pamamagitan ng paghawak sa aking mga kamay. Kung tutuusin wala naman iyong halaga para sa iyo, marahil ito ay isang ordinaryong gawain na lamang - sigurado ako dun.  Pero para sa isang tao kagaya ko na minsan lang bumalik at mapansin mo, ay sobrang halaga na ng tagpong iyon.  Halata naman di ba? kinailangan ko pa itong isulat sa ganitong paraan.

At yun na nga! Inisip ko na nga na ano kayang pakiramdam kapag maari na tayong maghawak ng ating mga kamay -- na may ibig sabihin, nang may pag-aangkin  --- dahil akin ka na?
Pero siyempre, naisip ko lang yun, at kahit may pangungulit na kahalo ang paghawak mo, hindi mo ako sinabihang mabilog sa pagkakataong ito (kasi naman madalas mo akong sabihan nun, sa tuwi-tuwina na lang...hindi ko tuloy alam kung totoo ba o talagang biro lang).  Subukan mo lang akong tuksuhin muli ng mabilog, at tiyak na itutugon ko sa iyo na bumibilog na pati ang mundo ko  --- sa iyo!

Sa huli, hanggang dito lang naman talaga ako eh. Isang kakilala, kaibigan, taga-hanga.
'Wag lang sana talagang dumating ang panahon na mahalin na kita ng sobra, dahil ayokong manatiling tagahanga, TANGAhanga :(


Sunday, July 31, 2011

bagyo!

para kang isang bagyo,
grabe nasasalanta na ako sa'yo,
daig pa ng hagupit ng hangin
ang lakas ng dating mo sa akin.


para kang isang bagyo,
talaga namang kakaiba ito
sa tuwing dadating ka dito
parang may delubyo sa puso ko.


para kang isang bagyo,
daig mo pa si Ondoy at Milenyo
idagdag mo pa si Juaning at Kabayan
sa puso ko'y umaaraw umuulan


para kang isang bagyo
may habagat sa puso ko,
sana "Batanes" na lang ako.
yan nga ang aking hinihiling
para madadaanan mo ako
sa tuwinang ikaw ay darating.



Thursday, June 30, 2011

one more chance?

...kung pwede lang akong sumigaw nang "ako na lang, ako na lang sana ulit"
siguro nga, siguro nga isang beses lang, hindi na pwedeng ulitin. 
Ang One More Chance, hindi applicable sa lahat ng tao :(

Wednesday, May 18, 2011

Last na'to, Lando!

Huling araw ko na nang pagpunta sa lugar na iyon.  Tama naman ako! Muli kitang makikita.  Tumingin ka sa akin habang dumadaan ako, alam ko iyon dahil tumingin din ako sa iyo.  Gusto ko sanang lumapit at batiin ka, tuloy na rin eh magpaalam sa'yo.  Gusto kong magkaroon ng pagkakataon para sabihin sa'yo lahat lahat, hindi sa kung anupaman, alam ko naman kasing hindi na pwede --- pareho tayo---- ikaw, dahil may babae nang bumihag sa iyong puso, at ako, dahil aalis na ako at haharap sa isang malaking hamon at pagsubok na kailangan kong pagdaanan ng mag-isa, kundi para lang sana malaman mo at mawala na sa isip at puso ko ang pabigat na ito na dulot ng matagal-tagal ko na ring paghanga sa iyo.


Sayang dahil may kasama ka noon habang ako naman ay may mga kausap din.  Sayang dahil ito na ang huling pagkakataon...


Ganunpaman, Lando, hindi pa tapos ang ating kuwento.

Tuesday, April 26, 2011

Sawa

         Ngayon, hindi ko na alam kung ilang taon o buwan ang lumipas mula nung mawala siya… Siguro dahil tumigil na rin naman kasi akong magbilang.  Nagsawa na rin naman akong umasa…Ngayon ko napatunayan na may magandang dulot ang pagsasawa… dahil kapag nagsawa ka na, kusa nang mawawala ang sakit na dinadala mo sa iyong dibdib, kusa itong lilisan, at hindi ma magkakaroon pa ng puwang para ikaw ay balikan.  Kusa mong mararamdaman ang paghilom ng mga sugat, ang paglisan ng sakit, at ang pait..unti unti nang mapapalitan ng tamis. 

            May mga bagay talaga na dapat mong maranasan para ka matuto, may mga bagay talaga na dapat mong pagdaanan bago mo maintindihan ang kahulugan.  Ano pa nga ba ang klasikong halimbawa kundi pag-big? Tama, pag-ibig ang nagbibigay ng saya at tuwa sa puso, pero ito rin ang siyang nagdudulot ng sugat at pait sa puso.  Ngunit gaano pa man kasakit ang pinagdaanan mo at pagdaaanan pa, ang importante, natuto ka…ang mahalaga naramdaman mo kung paano minsan sa buhay mo ang lumigaya dahil nagmahal ka.Hindi naman dapat magsarado ang puso ng mga taong umibig at pagkatapos ay nabigo.  Hinding hindi rin naman dapat na magtago kung may nararamdaman ka mang panibago kagaya ng muling pagtibok ng puso, o di kaya naman ay pagpapatawad o paglimot.  At lalong higit, hindi dapat na mabuhay sa nakaraan kahit pa nga ito ang dahilan kung bakit ka nalugmok at nasaktan.  Dahil ang nakaraan ay mananatiling nakaraan na lamang na dapat mo ring pagsawaan.  Dahil ang pagsasawa…may mabuti ring dulot. Dahil ng pagsasawa… ito ang magsasabi sayo kung kalian tama na. Dahil nga kasi sawa ka na, kaya wala nang dahilan pa para balikan ang isipin ang mga bagay na kagaya ng pag-asa at paghihintay sa wala.  Dahil ang pagsasawa, kung nagagawa mo ng tama… ito ang pinakamagandang aral na maaring matutunan sa pag-ibig.

         At dahil marami na akong nasabi, siguro dapat alam niyo na ang ibig kong sabihin. Dahil kung patuloy akong magpapaliwanag, eh baka naman kayo ang magsawa. Kaya yun lang, nakakasawa na rin kasi eh. 

Isang Taon

Isang taon matapos ang paglisan
Hindi mo pa ba nakakalimutan
Bakit ba kailangan pa ng kumusta,
Anu nga bang kailangan pa?


Isang taon matapos masaktan
Ang sagot mo ay naririyan
Bakit ba sagot ay kailangan pa,
Gayong hindi ako nagtatanong na?


Isang taon matapos ang unos
Kung kelan nakalimutan na ng lubos
Bakit ba nagbabalik pa
Anu pa bang kailangan pa?


Isang taon pagkatapos ng lahat
Wala na ngang pakialam dapat
Bakit nagtatanong pa sa kaibigan,
Anu pa nga ba ang dahilan?


Isang taon pagkatapos ng sakit
Wala na nga ba ang pait
Bakit puso’y nakakaramdam pa,
Siguro nga, andito ka pa
Nakaukit pa at hindi na mabubura


Kahit pa nga isang taon na,
Maalala’t-maaalala ka…
____________________________________________________________________
Isang taon matapos ang paghihiwalay ng landas, ito ang naisulat

I thank God for Fathers....

Palaging sinasabi na Mother knows best, wala naman akong kuwestiyon dun, aware din naman ako dun at naniniwala ako, in fact, naranasan ko naman yan. Hindi matatawaran ang kalinga ng isang ina.

Pero sa panahong wala na ang ina, kagaya ng kaso ko, ngayon ko lang lubusang na-appreciate na sobrang importante ang tatay sa buhay ko.

Hindi kami ganun ka-close at ka-showy sa aming mga nararamdaman ng aking tatay, pero ngayon masasabi ko na sobra kong naramdaman ang pagmamahal, pag-aaruga, pagkalinga, pag-intindi, at paggabay niya.  Sa mga panahong kailangan ng masusing pagsusuri, pagninilay, at paninimbang ng desisyon, nariyan siya.  At hindi ko matatawaran iyon.

Ngayon, nandito ako sa sitwasyong kailangan kong magdesisyon muli, isang importanteng desisyon na lubhang makaka-apekto sa buhay ko... kinailangan ko siya...at hindi niya ako binigo.

Talaga nga namang ang wisdom ng ama ay ganun na lamang.  Ngayon, alam kong anuman ang desisyon na gawin ko, anumang option ang piliin ko, alam kong makakabuti ito, alam kong ito ang tama, kung hindi man, ay yung pinakamalapit sa tama.

Tay, salamat sa suporta.
Sadyang masasabi ko na "I thank God for fathers.... I am now enlightened".