Monday, January 17, 2011

panaginip

Paglalarawan (o pagpapaliwanag): Naisulat matapos mapanaginipan ang isang tao na dapat naman ay wala talaga.

Realization: 
Dapat talaga hindi nasasanay sa mga bagay o tao na pwede namang wala sa buhay ko.

O eto na talaga yung tula:

 

Hindi ko nais na ikaw pa ay isipin
Ayoko na sanang balikan ang anuman natin
Tama na dapat ang panahong nabitin
Ngunit ba't panaginip ko'y iyong inaangkin

Wala na nga tayong dapat pang ayusin
Kung walang umpisa'y wala namang tatapusin
Hndi na dapat kitang iisipin
Lalong hindi kita dapat na mahalin

Ayoko na sanang umasang magbabalik sakin
Pagaaruga, pagbibigay, at paglalambing
Hindi na dapat pang kausapin
Kung wala rin namang sasabihin

Hindi ko na nais na ikaw ay isipin
Kaya pakiusap sa utak dapat kitang alisin
Di na dapat ibalik ang panahong nabitin
kailanma'y di ka naman magiging akin.

"unang tula"


Sa panulat nina:
Georpe, Tolentino, Bernal at Ruiz
Iguguhit ni Bongala


Dekada
Panulat at papels
Tagay ng alak.
Tawanan sa magdamag…

Dekada

Isaw at kahel
Puno ng halakhak
Gising pa ang papag

Dekada
Tinang pinipinta
Sa balat
Ng mga makatang
Natatanga sa
pagkawalang-salita.

Dekada
Tahimik at di mapakali
Sa utak ay di mawari
lagi naman sawi.
Tinta na ibinuhos,
Di malaman kung sa’n ang agos

Dekada
gising na hiraya
pukaw ang diwa, sa wala ay abala.
Sa malakas ng bulong ng hangin
Alinlangan ang tahakin.

Dekada
Ilan man ang lumipas
mga wika sa tinta
Salitang di masabi
Puso ang bibigkas!

Saturday, January 15, 2011

"purple world"



Halina sa mundong kakaiba
Halika sumunod at akapin na
Ang mundong kakaiba
Ang mundong ang kulay ay iisa

Halina sa paraiso kung saan
Ang bahaghari ay kukulayan
Ang lahat ng bagay ay pipintahan
Magiging lila bawat mong hahawakan

Halina sa mundo na aking akin na
Halika at sa akin ay makisalamuha
Tara na sa mundong kakaiba
Sa mundong ang kulay ay iisa

Sunday, January 9, 2011

Dalawampung Hakbang sa Dambana.

Yung 2010 yata puno ay taon ng pagpapakasal ------- ng mga kaibigan ko!
Nangyari pa nga na sa isang araw, dalawang kaibigan, yung isa sa una kong lawschool, yung isa naman ka-sorority ko, ang magpapakasal, at halos sabay pa ng oras.  Grabe kaya ang confusion na naranasan ko nun kasi hindi ko alam kung saang kasalan ba ako dadalo.  Pareho silang importate sa akin, malapit silang kaibigan, pero iisa lang ang katawan ko.  Kung sana pwede akong nasa dalawang lugar sa parehong pagkakataon, eh di magagawa ko sana.  Tapos, ayun, ang ending, hindi ako nakapunta sa mga kasalang iyon hindi dahil sa bitter ako sa usapin ng kasal, kundi may mga kinailangan lang akong tapusin na hindi ko na maaaring ipagpaliban.



Hindi ako ang sumulat ng blog na ito, matagal ko na nga ring hinahanap eh para mabigyan ko ng credit (bilang mag-aaral ng batas, aware ako sa intellectual property law...hehehe!).  Isa ito sa mga paborito kong basahin.  Be inspired at hopefully, ma-feel niyo ang saya ng pagpapakasal. :) --- kayo muna!






Isa... Dalawa… Tatlo...
Alam kong gasgas na ang linyang ito pero anu’t ano pa, hayaan mong sabihin kong walang anumang salita mula sa kahit ano pang lenguahe ang magbibigay kahulugan sa pakiramdam ko ngayon. Ikakasal ka na. Mula sa kinalalagyan ko, habang dahan dahan mong binabaybay ang gitna ng simbahan, hindi ko mapigilang lumuha ng maliliit na patak. Ikaw ba talaga yan? Makailang pikit na ang ginawa ko, tinatanong ang sarili kung ikaw nga ba ang babaing nasa traje de boda. At kahit anong pikit ang gawin ko, ikaw nga iyon. Parang kailan lang, kalaro kita kasama ang ibang bata. Alam ko pa ang itsura mo noon; tisay pero bulok ang ipin, naka-ponytail ka na palagi noon pa, at chubby. Bibo kang kalaro sa piko, pero kapag pikon ka na sa pang-aasar nila dahil sa lagi kang natutumba pag isang paa na lang ang gamit sa number 3 o kaya 4 na box sa piko, sa akin ka iiyak at aawayin ko sila. Madalas nila tayo tuksuhin pero wala lang sa iyo yon. Natutuwa naman ako noon dahil sa akin ka lumalapit. Para sa akin, ikaw na ang bestfriend ko.
 
Apat… Lima... Anim… Binibilang ko ang mga hakbang mo sa altar. Ilang segundo na lang ay hindi ka na single. Masaya ka kaya habang naglalakad? May luha ka din sa mata, nakikita ko. Pero ang tanong na bumabalot sa isip ko ay kung luha ba yan ng kagalakan o kalungkutan. Hindi kita naging kaklase sa grade school. Palibhasa palagi kang nasa star section. Sa service lang kita nakakasabay, at habang kumakain tayo ng cotton candy ay nagkukuwentuhan tayo tungkol sa mga nangyari sa araw natin sa school. At alam ko, nalulungkot ka noon kapag bababa na ako sa bahay namin. Magba-bye ako sayo habang aandar ang service at magtititigan tayo. Close tayo noong elementary. Ako ang bestfriend mong lalaki at ikaw naman ang tangi kong bestfriend na babae.  

Pito... Walo... Siyam… Mahal na mahal kita. At habang pinagmamasdan kita sa maganda mong gown ay parang natutunaw ako sa kinalalagyan ko. Nasa kalagitnaan ka na at maya maya pa ay magsisimula na ang seremonya. Nag-high school tayo sa parehong school at sa kabutihang palad ay ka-section kita. Lalo pa tayong naging close kahit pa parating magkaaway ang mga barkada mong babae at ang mga barkada kong lalaki. Pero di gaya noong mga bata pa tayo, sa iba ka na tinutukso.
 
Sampu… Labing-isa… Labing-dalawa… Pakiramdam ko, palakas nang palakas ang tugtog ng kasal habang papalapit ka sa altar. Nakangiti ka at kung minsa’y naititingin mo ang mata mo sa ibang taong nagagalak habang pinagmamasdan ka. Nasa sa iyo lahat ng atensyon. Nagkaroon ka na ng maraming boyfriend. Ako namam ay umasa lamang na maibig mo. Wala akong naging ibang inalayan ng pagmamahal kundi ikaw. At tuwing pinapaiyak ka ng mga magagaling mong ex, telepono ko ang kumikiriring. Kaya nga noong nauso ang kantang “Halaga” ng Parokya ni Edgar, ay sobrang tinamaan ako.
 
Labing-tatlo… Labing-apat… Labing-lima… Maligaya ka sa panahong to, alam ko. Ikaw pa, kilalang kilala na kita. Bestfriend kita eh. Mula ulo hanggang paa, kilala kita. Kakatawa pero naaalala ko pa noong mga bata tayo, alam ko na ang mga panty mo ay yung may burdang Monday, Tuesday, hanggang Friday. Alam ko na noong elementary ay galit ka sa Sibika at Kultura at sa Principal nating tinawag nating Miss Minchin. Noong highschool, alam ko pa kung sinu-sino ang mga naging crush mo. Kabisado na kita. Alam ko kung mainit ang ulo mo, kung malungkot ka, kung hindi maganda ang pakiramdam, kung nae-excite at lahat lahat. Alam ko din kung maligaya ka. At kung hindi man ako nagkakamali, nararamdaman kong masaya ka ngayon habang patungo sa altar.  

Labing-anim… Labing-pito… Labing walo… Basta maligaya ka, masaya ako. Yun naman ang gusto ko parati, ang maligaya ka. At ang tanging hiling ko sa panahong ito ay ang panghabam-buhay mo nang kaligayahan. Ayan na malapit ka na sa altar.  

Labing-siyam.. Eksaktong ikalabing-siyam na ang ang hakbang mo, nabilang ko sa isip. Congratulations. Masaya ako at alam kong masaya ka rin ngayong ikakasal ka na…
 
Dalawampu… … sa akin.

Saturday, January 8, 2011

kisame

kisame kisamu
kisame-mucho
echos ka, echos ka,
echusera lahat
takatak takatak
patak patak
tingala tingala
tapos tunganga
isip isip, sabay sipsip
inom inom tagay
tinta tinta, sige lagay!
Kisame kisamu
Kisame-mucho!
Red horse mucho!

Pasko na naman ni Emotera

Pasko na naman ni Emotera

Sabi nila isipin mo raw ng isipin bago matulog ang taong  gusto mong mapanaginipan at effective daw talaga, mapapanaginipan mo siya, at mararamdaman niya ito…. Ang sabi ko naman, ayoko pa rin, papano kung ayaw ko naman siyang mapanaginipan, dahil ayokong hanggang dun na lamang?  Paano kung ayoko ng panaginip dahil gusto ko ang tunay, yung mahahawakan mo at makikita mo live na live sa harapan mo yung taong yun?

Ma-emote para sa akin ang gabing ito habang sinusulat ko ito.  Yun ba namang background music ko si Erik Santos habang ginagawa ito tapos nakanuod pa ako ng episode sa isang reality show na halos isang oras eh yung bidang babae at lalaki lang ang ipinakita, nagliligawan, nag-aaminan, in short, nagpapakatotoo sa mga nararamdaman nila.  Nakakakilig, nakakatuwa, nakakatalon ng puso, at nakaka excite kung ano nga ba ang mangyayari at kung talaga bang uusbong ang kanilang pag-iibigan….

Pero sa kabila ng kilig at saya….hindi ko pa rin maiwasang malungkot.  Magpapasko na naman kasi…. Isang taon na naman ang nakalipas, at malungkot pa rin ang buhay pag-ibig ko L Hays…. Bakit nga ba? Ano bang meron sa “Christmas season”  na kelangan may special someone? Hindi ko rin alam, pero parang  nakatanim na sa utak, sa puso, sa kultura, na dapat masaya ka kapag ganitong panahon, dapat hindi malamig ang pasko mo.

Ano pa nga bang magagawa ko? Nanjan naman, may unan at kumot naman ako, siguro pwede na yun pansamantala para maibsan ang lamig (o ang sakit) na nararamdaman ko kasi pilit ko pa ring ikinukubli ang lungkot sa likod ng mga smiles ko…sa likod ng mga ka-busyhan ko sa buhay, hindi pa rin complete eh. Kakanta na nga ako eh at magtatanong kay God ng “where is he, where is he, where is this beautiful guy, who is he, who is he, who’s gonna take me so high?”.

Pero kagaya ng linya sa kanta……siguro nga there is someone out there for me, and I know he’s waited so patiently…hindi pa nga lang kami nagkikita…O baka naman nagkita na kami pero hindi pa lang namin alam.  Ewan ko, only God knows.  Hindi pa rin ako susuko….at ilang ulit man akong malungkot sa panahon ng kapaskuhan, aasa pa rin ako isang pasko…o sa susunod pa, na hindi na magiging malamig ito.

preso

sana walang gapos ang mga kamay at paa, 
walang piring ang mga mata, 
walang busal ang bibig, 
marinig sana ang tinig, 
wala sanang takip ang tenga, 
...marinig sana ang musika, 
wala sanang pinid ang pinto, 
bintana sana'y hindi nakapako.
....sana!

Tuesday, January 4, 2011

"Chances"



Hindi na naman ako makatulog, naaalala ko na naman kasi ang nakaraang taon. Pangatlong araw pa lang ng bagong taon, pero sobra na akong excited sa mga mangyayari ngayon. Excited na akong baguhin ang lahat ng hindi magagandang kaugalian, excited na akong ayusin ang mga mejo nasirang pagkakaibigan, mga relasyong medyo nalamatan, at mas lalong excited na na palitan ng mga bagong medyo alaala ang mga medyo "bad memories" hatid ng nakaraan. 

At dahil palagi nga naman akong napupuyat at pansin niya ito, isang kaibigan ang nagsabi na makakatulong daw kung magbibilang ako ng pabaligtad para makatulog.  Kung sana ganun lang kasimple ang lahat ng bagay, kung sana lang pwede ring baligtarin ang lahat kapag hindi ito tumakbo ng naayon sa gusto natin, kung pwede lang sanang mag-umpisa tayo ng pabalik.  Marami siguro akong bagay na uulitin, o nakaraang ibabalik mula sa umpisang umpisa para maitama ko, para maiayos ko, at para maging mas masaya ako.



Pero sadyang may mga bagay na hindi na maibabalik kahit gaano ko pa naisin, may mga nakaraang hanggang doon na lamang talaga.  May mga pangyayaring nakatakdang maganap o di kaya naman ay tao na nakatakdang isang beses lamang dumaan sa buhay mo, kahit pa nga sa maling oras at panahon pa. Gaano man tayo kaingat at naging kamapanuri, meron at meron tayong mapapalampas na pagkakataon...sa ayaw man natin o gusto.

Parang pag-ibig....masarap ang pakiramdam ng umiibig.  Marami namang sasang-ayon dito. Marami ring tao na maraming beses na  nahulog, kinilig, umibig, nagmahal,tumawa, umiyak, umasa at nasaktan.  
 


Oo, naramdaman ko na lahat ng iyan. Sa kaso ko nga lang, hindi ko alam kung talaga bang naipakita ko at naiparamdam ko ng buo ang pagmamahal na nararapat sa mga taong iyon.  Hindi ko alam kung naging masyado bang sarado ang puso ko at bulag ang mga mata ko para hindi ko makita na pwede rin naman pala akong magmahal muli kahit pa ako ay nasaktan.

Marahil, madalas, para lamang silang mga buhangin sa aking mga palad....hawak ko na pero mabilis kong mabitiwan, mashado kasi silang pino, habang mashado namang maliit ang kamay ko. Parang mga ugali nila, pino, kumpara sa ugali kong hindi tipikal.  Ang kamay ko, maliit yata mashado, palagi pang nakasarado dahil takot na akong bigay na lamang ng bigay. 

Dahil bagong taon, alam ko na kasabay ng panahon, kailangan ko ring magbago. Pagtingin sa kapwa, pag-appreciate ng mga bagay-bagay sa paligid ko, at pati na rin ang pag move-on sa mga bagay at pangyayari sa buhay ko.  Dahil lahat naman ng iyan may kadahilanan kung bakit nagaganap.  Hindi nangyayari dahil "wala lang", alam ko na palagi namang may lesson ang isang istorya.   (Sa istorya ko, ikaw na lang ang bahala kung may mapupulot ka ha? )

Salamat sa mga kaibigang pumapansin kapag puyat na puyat ako,sa mga taong nagpapagaan ng loob ko sa tuwing stressed na ako sa trabaho, at salamat sa mga taong kumakausap kapag pakiramdam ko ay nag-iisa ako at walang bolpen at papel na available, at sa mga taong sumama sa lahat ng trip at kalokohan ko. (masama man o mabuti ito)  Dahil sa kanila, masasabi kong masaya na ulit ako.  Handa na nga yata ako.

Kaya sa susunod na maramdaman ko ang pagtibok muli ng aking puso, hindi ko na itatago kagaya ng ginawa ko, hindi na ako matatakot magbukas muli ng damdamin (after all, akin naman yun eh), at hinding hindi  na rin ako bibitaw kung kaya ko namang kumapit pa.

Hindi ko na palalampasin ang pagkakataon na maging maligaya, dahil kagaya ng pagkakataon, isang beses lamang dapat lumalagpas yun, kung may pangalawa, pangatlo pa, katangahan na siguro ang tawag dun!

Monday, January 3, 2011

new year, new beginning

who said that people can't change?
....the only thing that's constant in this world is change, and if you have not experience it in one way or another, then i refuse to believe that you are human.

people can change....people do change, and this is the best time to do it.
new year, new beginnings.