Friday, July 6, 2012

Paalam muna..... for now!


           Minsan mahirap din magpaalam. Mahirap magsabi na itigil na ito dahil hindi na tama, hindi na bagay, hindi na okey. Mahirap lalo na kapag nasanay ka na o kaya ay naging emotionally-attached ka na sa isang bagay, isang gawain, o isang tao.  Pero madalas, kung sumagi ito sa isip mo, malamang tama ka kasi hindi mo naman maiisip na itigil ang isang bagay kapag wala kang nararamdamang mali. Wala ka namang mararamdamang mali kung masaya ka, kapag wala kang duda o wala kang iba pang hinahanap na bago o pagbabago.

          Ang hirap sabihin ng salitang "paalam" nang hindi ka makakasakit ng damdamin. Ang hirap lalo na kapag alam mo na isa ang sarili mo sa pinakalubos na masasaktan sa proseso at sa desisyon mo na magpaalam at mag-let go.  Pero kung ito ang tanging paraan para makuha mo ulit yung self-worth mo, para mahanap muli ang sarili mo – malamang ito na nga ang tamang gawin, masakit mang isipin, mahirap mang simulan.

          Palagi na lang kasing ganito ang kapalaran ko, palagi na lang, nakakalungkot na.  Minsan naisip ko na nga, nabuhay ba ako para masaktan o maging instrumento kung bakit nasasaktan ang ibang tao?  Madalas, kailangan kong magsakripisyo ng mga nararamdaman ko para lang walang gulo, para lang walang masaktan, para walang kumplikasyon, pero madalas, bigo pa rin ako. Maraming beses pa rin akong nakakasakit nang hindi ko sinasadya.  Madalas pa rin akong masaktan kahit hindi naman dapat.

          Hindi ako nagpapaalam dahil gusto ko lang may masaktan pero gagawin ko ito para malaman ko rin ang halaga ko. I want to be chased, I want to be pursued. I want to be hoped for and be treated like the way I deserve to be treated.  I want to be loved, needed, and depended on to give the love I can give.  Pero kung palagi na lang akong available, lagi na lang akong nandiyan lang, palagi akong bukas, hindi ko mararanasan yun.  Hindi ko rin mahahanap ang halaga ko.  Hindi ko maibibigay ang premyo para sa isang taong nararapat dito. Ang premyong pagmamahal na wagas sa tunay na magmamahal at magtitiyagang kunin ang pagmamahal ko.

          Alam ko na love is about taking chances, relationships gives you reason to be happy as well as it gives you chances of being hurt. Pero alam ko rin na God is molding me so I can be the perfect one for the perfect man He is about to send me, whom I can proudly say, “I am worth the wait”. 

     Pero sa ngayon, pwede namang pahinga muna, pwede namang paalam muna...for now!

Monday, February 27, 2012

Addict Sa'Yo!



My Dearest Barako,
     Mga ilang araw na lang at nalalapit na ang ating permanenteng paghihiwalay. Grabe, kapag iniisip ko na mawawala ka sa buhay ko, nalulungkot ako na hindi ko maintindihan. Aminado naman ako kasi na adik ako sa iyo. Walang araw na hindi kita nakasama sa loob ng napakaraming taon. Bata pa lang ako anjan ka na, at saksi ka rin sa maraming pangyayari sa aking buhay.
     Nandoon ka noong kailangan kong tapusin ang dapat tapusin. Naandoon ka maging noong lamay ng aking ina. Naandon ka sa mga ilang gabing puyatan dahil sa pag-aaral ko. Naandon ka sa maraming beses kong pakikipagkuwentuhan sa aking mga kaibigan. Nandiyan ka palagi kapiling ko. 
     Ngayon na kailangan kong harapin ang isang bagay na matagal kong pinag-isipan, nakapagdesisyon na nga ako. Kailangan kitang iwan. 
     Gusto kong sabihin na salamat sa ilang taon mong pagsama sa akin sa mga panahong stressed ako, sa mga panahong naglalamay ako ng mga bagay-bagay na dapat isakatuparan. Ikaw ang gumising sa inaantok kong damdamin, ikaw ang kasama ko sa pagpupuyat dahil marami akong aralin o babasahin. 
     Sa mahabang panahon na tayo ay nagkasamasalamat dahil naging paborito kita. Maghihiwalay na tayo, ayoko man pero kailangan, mahirap man pero ito ang nararapat para muli akong makangiti. Kailangan ko itong gawin para makamtan ko muli ang liwanag. 
     Sabi nila kasi hindi ka na nakakabuti para sa akin, at hindi raw kita pwedeng isabay kung may nais akong gawin. Sorry kung ikaw yung pinili kong i-give up. Sorry dahil kung hindi ko gagawin ito, hindi na kita pakakawalan, mas mahihirapan ako, mas mapapamahal ako, mas tatagal ang proseso. 
     Iiwan kita ngayon pero sana huwag kang magtampo, alam ko na balang araw, muli tayong magkikita, at maghaharap. Sana pag nangyari yun, mas matapang na akong tanggihan ka. Sana mas kaya ko nang mabuhay nang wala ka.

                                                                                                                   Nagmamahal, 
                                                                                                                   Coffee Addict


Friday, February 3, 2012

komplikado


akala ko, ako na ang pinakacomplicated at pinakamagulo ang pinagdaanan pagdating sa lovelife kumpara sa mga kaibigan ko.  ngayon ko na realize na hindi pa, kung tutuusin, sa sitwasyon ko ngayon, ako pa ang pinakamaswerte, at ike-claim ko na, pinakamasaya. oo wala akong asawa, anak, o boyfriend, pero wala rin akong problema, sakit sa ulo, iniisip, o kinakatakutan...

ngayon ko naisip na iba't-iba talaga ang contentment ng tao, iba iba rin ang level ng happiness. hindi natin pwedeng ikumpara ang sarili natin palagi sa ibang tao, lalo't higit sa mga kaibigan mo o taong malalapit sa iyo.  "hindi ako ikaw, o hindi ako siya", yan ang palagi kong isinasaksak sa utak ko, at sana ay maintindihan ng mga tao na mahilig magkumpara sakin sa kung sinu-sino, kahit  pa nga mabuting tao naman yung pinagkukumparahan.

masarap kasing magkaroon ng individuality eh, kahit pa nga sa mga problema, mas okey pa rin yung unique lang yung para sa iyo. hindi naman lahat kasi ng tao, pare-pareho ang pagtanggap sa mga nangyayari sa buhay nila. merong iba na akala mo simbigat na ng mundo ang pasan pasan na problema, pero meron naman na kahit pa ilang bagyo ang dumaan, ayun nakatayo pa rin at lumalaban.  maaring ang mundo para sa akin, isang pirasong bato lang ang katumbas para sa ibang tao, kung problema ang pag-uusapan.

at dahil nga problema, at lovelife ang topic nitong sinusulat ko, sobra lang akong nagulat na napaka kumplikado na pala nang pinagdadaanan ng isang kaibigan ko. hndi ko lubos maisip kung paano niya nagawang pasukin ang bagay na iyon. pero isa lang din naman ang masasabi ko sa kanya, proud pa rin ako sa kanya dahil naging responsable siyang harapin kung anuman yung mga dapat niyang harapin, tama, hindi siya nagpatalo sa mga pagsubok, at sana wag siyang magpatalo sa mga susunod pa.

haaay.....ngayon ko talaga naisip na napakaswerte ko. anu pa bang mahihiling ko? wala lang akong titulo para masabing committed ako, pero masaya ako ng ganito, alam ko na may nagmamahal sa akin, at alam ko na marunong akong magmahal, yun naman ang mas importante siguro :)

Sunday, January 8, 2012

...paalam!

            Masaya akong makita at makasama ka pero bakit ganun parang pagkabigo na naman. Masaya akong makasama at makita ka pero bakit ganun wala na namang pag-asa

            Akala ko'y magbabago na ang lahat, akala ko din ay mag-iiba na ang takbo at ikot ng mundo pero sadyang bigo na naman ako hindi ka na talaga magiging akin.
Kung kelan pa naman handa na akong ipaglaban ang nararamdaman ko para sa iyo,
kung kelan naman mas matapang na ako ngayon.

           Pero siguro may mga bagay o tao na talagang minsan lang dadaan sa buhay
at isa ka sa mga iyon. Isa ka sa mga taong nagbigay lang ng kulay at kahulugan sa buhay ko kahit pa nga hindi permanente. Dahil dumaan ka, marami akong bagay na natutunan, alam ko na ngayon na magpahalaga sa mga bagay na mas importante, alam ko na ngayon na pahalagahan ang oras, ang pagkakataon. Hindi ko na papalampasin ng ganun-ganun lang ang mga bagay na makapagbibigay sa akin ng kaligayahan. masyado kasi akong takot at mapag-isip ng kung anu-ano noon, masyado akong "conscious" sa palagay ng iba sa paligid ko, hindi kung ano ang sa tingin ko ay tama.

           This time, ako naman, this time iisipin ko na talaga ang sarili ko.
...sayang, wala ka na, sayang hindi na kita makakasama sa pagbuo ng mga pangarap ko.
pero ayos lang iyon, magiging malaking parte ka pa rin noon, dahil ikaw ang nagturo sa akin
na may mga bagay pala na posible kahit sa tingin natin ay suntok sa buwan lang.

           'Yaan mo, masaya akong makita ka at makasama ka... babalitaan na lamang kita.     Hanggang sa muli, at paalam, kaibigan.





Tuesday, January 3, 2012

bagong bagong taon

walang ingay ng paputok at torotot
wala ring mga kalampag at kalabog
walang pasabog na barya at mamera
...bagung-bago ang bagong taon na wala ka


may salu-salo mang handa sa hapag
kasiyaha'y di lubos na mabanaag
iba pa rin ang nakaraang taon
kumpleto pa kasi tayo noon


alam namin kailangang magpatuloy sa buhay
pero sadyang kayhirap ng wala ka, inay.
hindi na talaga katulad ng dati
'pagkat ikaw ang siyang abala palagi


ngunit wala ka man sa aming piling
ang magkakasama ang pamilya, yan ang iyong hiling
kaya't sa bagong taon o kailan pa
kaming naulila'y magmamahalan sa tuwina