Sunday, January 8, 2012

...paalam!

            Masaya akong makita at makasama ka pero bakit ganun parang pagkabigo na naman. Masaya akong makasama at makita ka pero bakit ganun wala na namang pag-asa

            Akala ko'y magbabago na ang lahat, akala ko din ay mag-iiba na ang takbo at ikot ng mundo pero sadyang bigo na naman ako hindi ka na talaga magiging akin.
Kung kelan pa naman handa na akong ipaglaban ang nararamdaman ko para sa iyo,
kung kelan naman mas matapang na ako ngayon.

           Pero siguro may mga bagay o tao na talagang minsan lang dadaan sa buhay
at isa ka sa mga iyon. Isa ka sa mga taong nagbigay lang ng kulay at kahulugan sa buhay ko kahit pa nga hindi permanente. Dahil dumaan ka, marami akong bagay na natutunan, alam ko na ngayon na magpahalaga sa mga bagay na mas importante, alam ko na ngayon na pahalagahan ang oras, ang pagkakataon. Hindi ko na papalampasin ng ganun-ganun lang ang mga bagay na makapagbibigay sa akin ng kaligayahan. masyado kasi akong takot at mapag-isip ng kung anu-ano noon, masyado akong "conscious" sa palagay ng iba sa paligid ko, hindi kung ano ang sa tingin ko ay tama.

           This time, ako naman, this time iisipin ko na talaga ang sarili ko.
...sayang, wala ka na, sayang hindi na kita makakasama sa pagbuo ng mga pangarap ko.
pero ayos lang iyon, magiging malaking parte ka pa rin noon, dahil ikaw ang nagturo sa akin
na may mga bagay pala na posible kahit sa tingin natin ay suntok sa buwan lang.

           'Yaan mo, masaya akong makita ka at makasama ka... babalitaan na lamang kita.     Hanggang sa muli, at paalam, kaibigan.





Tuesday, January 3, 2012

bagong bagong taon

walang ingay ng paputok at torotot
wala ring mga kalampag at kalabog
walang pasabog na barya at mamera
...bagung-bago ang bagong taon na wala ka


may salu-salo mang handa sa hapag
kasiyaha'y di lubos na mabanaag
iba pa rin ang nakaraang taon
kumpleto pa kasi tayo noon


alam namin kailangang magpatuloy sa buhay
pero sadyang kayhirap ng wala ka, inay.
hindi na talaga katulad ng dati
'pagkat ikaw ang siyang abala palagi


ngunit wala ka man sa aming piling
ang magkakasama ang pamilya, yan ang iyong hiling
kaya't sa bagong taon o kailan pa
kaming naulila'y magmamahalan sa tuwina