Kung ikaw ang papipiliin? Dun ka ba sa tama na malungkot ka o dun ka sa mali pero masaya? Ang hirap noh? Pero kasi ganun talaga eh, minsan nga iniisip ko, kailangan ba talaga pumili?
Minsan, muli kong naramdaman na
maging masaya sa piling ng isang tao. Oo
mahirap at kumplikado (o kumplikado dahil mahirap? Hindi ko na alam kung alin)
pero dito ako sumasaya. Kahit saglit
lang, kahit alam kong hindi pangmatagalan.
Tama yung isang kaibigan ko na minsan nagsabi na, alam ko naman na
matatapos din ito kasi nga mali ito umpisa pa lang, pero pinasok ko pa rin dahil
ayoko magkaroon ng pagsisisi sa bandang huli dahil hindi ko sinubukan. Ayokong dumating ang panahon na magtatanong
ako sa sarili ko kung ano kaya ang nangyari dapat, ano kaya ang kinahantungan o
ano kaya ang pinatunguhan kung ginawa ko yung bagay na hindi ko ginawa? Ano nga
kaya? At ayaw kong mangyari yun kaya ako
nandito sa sitwasyong ito…..ulit!
Minsan
na itong natapos, minsan na nagwakas, na hindi ko nga alam kung nagsimula nga
ba, na basta ang alam ko lang kasi masaya ako sa ngayon eh, sa nangyari, sa nangyayari,
at kung may mangyayari pa. Alam kong hindi ko hawak at kontrolado ang takbo ng
pagkakataon, kahit pa nga minsan ng sarili kong emosyon, pero yun na nga,
masaya ako sa ngayon at sa tingin ko, napakaimportante nun, hindi kasi lahat ng
tao naaabot ang ganitong klase ng pakiramdam.
Kung minsan
may mga bagay o desisyon, o relasyon talaga na mali, o tingin natin o ng ibang
tao eh mali, pero tayo lang naman ay may
karapatan at kakayahan na itama ang mga mali natin eh. Minsan ang mali nagiging tama kapag masaya
tayo sa resulta ng bagay na ginawa natin o ginagawa natin. Hindi naman krimen ang magkamali, hindi rin
ito ang katapusan ng buhay kapag nagkamali.
Hindi naman sa sinasabi kong magkamali na lang tayo ng magkamali palagi
kahit masaya tayo, ang sa akin lang, hindi naman kabawasan ng pagkatao natin
kung nagkamali tayong minsan, dahil baka sa mangilan-ngilang pagkakataon eh
nakapagpasaya naman tayo. ng iba, o di kaya ng sarili natin. ‘Yun lang kagaya ng lahat ng bagay, hindi na
porket libre eh uulit-ulitin na lang natin. Sabi nga, hindi dapat masanay sa
“unli” na pagkakamali. “Isip isip din ng
natutunan sa pagkakamali kapag may time” di ba?
Ang sinasabi ko lang naman
talaga, sikapin nating maging tama at masaya sa lahat ng oras. Ganunpaman, lahat naman tayo nagkakamali pa
rin, kasama ka dun, pati ako!